QUEZON – Isang pampasaherong barko ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat malapit sa Port of Real sa Barangay Ungos, sa bayan ng Real sa lalawigan bandang alas-9:50 umaga nitong Martes.
Ayon sa report, paalis sana ng Real Port ang RORO, lulan ang 41 pasahero at pitong rolling cargoes, patungo sa isla ng Polillo nang mangyari ang insidente.
Nagmamaniobra na umano ang barko mula sa docking area nang lumapat ang ilalim nito sa mababaw at batuhang bahagi ng dagat, 50 metro pa lamang ang layo sa port. Tuluyang sumadsad ang barko at hindi na nakaalis.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at ni-rescue ang mga pasahero na may isang oras ding na-stranded sa sumadsad na barko. Naiwan pa sa RORO ang rolling cargoes.
Base sa incident report mula sa master of the vessel at sa chief mate ng barko, na isinumite sa Philippine Coast Guard, malakas ang agos habang sila ay paalis ng port kaya hindi ito kinaya ng makina.
Ipinatanggal nila ang lahat ng lubid na nakaalalay sa pagmamaniobra ng barko subalit pumulupot ito sa elise kaya tumigil ang makina at naanod sila sa bahura.
(NILOU DEL CARMEN)
