HINDI na ipinagtaka ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang pagsira umano ng mga sindikato at “buwaya” sa gobyerno ng mga ebidensya kaugnay sa flood control projects para makalusot sa pananagutan.
Giit ni De Lima, malinaw na gumagalaw na ang mga galamay ng korupsyon para takpan ang “pinakamalaking corruption scandal” sa kasaysayan ng DPWH.
“Hindi na tayo magtataka kung gumagalaw na ang galamay ng mga sindikato at buwaya para pagtakpan ang kanilang krimen at sabwatan,” aniya.
Mismong si DPWH Secretary Vince Dizon ang nagkumpirma na sinira umano ni Baguio City District Engineer Rene Zarate ang ebidensya sa flood control projects sa kanyang distrito. Dahil dito, sinuspinde si Zarate, na ayon kay De Lima, ay malinaw na palusot lang ng mga kasabwat.
“Ano pa nga ba ang aasahan natin sa mga walang hiya at halang ang kaluluwa? Sa bilyon-bilyong pisong ninakaw nila, milyon-milyon nating kababayan ang naghirap at nagdusa,” galit na pahayag ni De Lima.
Dahil dito, muling iginiit ng kongresista na buuin na ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) sa pamamagitan ng batas at hindi lang sa simpleng Executive Order. Hinamon pa nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukala para mas mapabilis ang pagtalakay sa Kongreso.
“Kailangan nating paspasan ito dahil hindi nagsasayang ng oras ang mga sangkot sa anomalyang ito. Mga sanay na magnanakaw ang kaharap natin, kaya dapat tapatan din ng batas na matibay at may ngipin,” babala ni De Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
163 