IMINUNGKAHI ni Mayor Rex Gatchalian ang konseptong “Barriers Up””sa mga toll plaza at pagsasagawa ng RFID sticker installation at loading/reloading sa expressway kapag tapos na ang toll plaza at system upgrades sa “solutions meeting and dialogue” sa pagitan ng Valenzuela City at North Luzon Expressway (NLEX) Corporation kamakalawa.
Inilahad din ng pamahalaang lungsod ang “best practices”nito kasama ang paggamit sa kaalaman ng pribadong sektor, pagpapalakas ng pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pamumuhunan sa teknolohiya at no contact apprehension (NCAP) program bilang patunay na ang mga planong umepekto sa lungsod ay maaari ring isagawa ng NLEX Corporation.
“Malaysia, which is in South East Asia, which is similarly situated almost economically to the Philippines, eh wala silang [toll] barrier… Does the Malaysian driving public deserve better than the Filipino driving public? And I dare say this, of course not. What they have, we should have in the Philippines,” ani Gatchalian.
Isinulong din ng alkalde ang technology upgrade para lutasin ang consumer rights issues ng pangungolekta ng bayad sa RFID. Maliban dito ay nais din ng punong-lungsod na matapos ang upgrade sa Enero 2021 para maibsan ang hinaing ng mga motorista.
Ayon pa sa alkalde, sa nakasanayang “conditional lifting” ng business permit suspensions sa lungsod, dapat malaman ng NLEX Corporation na kapag nakatanggap sila ng reklamo ay muling sususpendihin ang business permit ng huli.
Biinigyan ang NLEX Corporation ng sapat na panahon para pag-aralan ang mga mungkahi at iba pang napag-usapan sa pulong at dapat silang magbigay ng update sa lokal na pamahalaan ukol sa mga kaganapan.
Sa nasabing dayalogo ay ipinakita ng NLEX Corporation, sa pangunguna ni President and General Manager J. Luigi Bautista ang mga plano nito sa pagpapaluwag ng mga toll plaza sa Valenzuela City at kung paano tutugunan ang mga isyu sa RFID sticker at hamon sa pagre-reload.
Suportado naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia ang mungkahing Barriers Up. (ALAIN AJERO)
