BARZAGA KINASUHAN NG SEDITION SA MADUGONG RALLY SA MAYNILA

KINUMPIRMA ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsampa ito ng kasong inciting to sedition laban kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay CIDG Director Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, ang reklamo ay may kaugnayan sa kaguluhan sa Recto at Mendiola sa Maynila noong Setyembre 21 sa gitna ng tinaguriang “Trillion Peso March.”

Kasama si Barzaga sa 97 indibidwal na kinasuhan. Hiwalay ito sa nauna nang kaso laban sa kanya dahil sa pagdalo sa rally kontra gobyerno sa Forbes Park noong Oktubre 13.

Lumabas din sa social media post ng mambabatas ang subpoena na nag-uutos sa kanya na dumalo nang personal sa preliminary investigation sa Quezon City Prosecutor’s Office sa Nobyembre 17 at 25.

Tumanggi ang CIDG na magbigay ng karagdagang detalye ngunit tiniyak ni Morico na nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Tinawanan ni Barzaga

Sa halip na mabahala, tinawanan ni Barzaga ang kaso laban sa kanya.

“Kinasuhan talaga ako sa mga statement ko laban sa Philippine Coast Guard? Eh totoo namang corrupt kayong lahat eh nyahahahaha!,” ani Barzaga sa post sa social media kung saan ibinahagi rin niya ang subpoena.

Pinaharap si Barzaga sa kaso ng inciting to sedition at inciting to rebellion kaugnay ng kaguluhan sa Mendiola.

Giit ng kongresista, konektado umano ang kaso sa kanyang pahayag laban sa Philippine Coast Guard, na tinawag niyang “dapat buwagin” dahil umano sa pagpapainit ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ngunit ayon sa tinaguriang “CongMeow,” hindi siya uurong sa panawagan para magbitiw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at papanagutin si dating Speaker Martin Romualdez sa kontrobersyal na flood control projects.

“This will not stop us, this will only make the revolution stronger!,” ayon pa kay Barzaga na kabilang sa mga nananawagan na bumaba na si Marcos sa kapangyarihan dahil kasama umano ito sa anomalya sa flood control projects.

Kasalukuyan ding nakabinbin sa House Committee on Ethics and Privileges ang reklamo laban kay Barzaga na inihain ng mga dating kasamahan sa National Unity Party (NUP) sa pangunguna ni House Deputy Speaker Ronaldo “Ronie” Puno.

Posibleng parusahan si Barzaga ng reprimand, suspensyon, o tuluyang tanggalin bilang miyembro ng Kamara.

‘Para Madala’

Ikinatuwa naman ni Puno ang kasong isinampa ng CIDG laban kay Barzaga.

“Yung violence na sinasabi ng CIDG, kasi ang pagkakaalam namin may history talaga na ganyan. May tatlong eskuwelahan for example na mukhang napaalis siya at rason ng bawat isa ay may violence. May tinutukan ng baril, may tinutukan ng kutsilyo, parang ganun,” ani Puno.

“Kaya siguro mabuti na rin na idinemanda siya ng CIDG kasi baka akala niya nakakatawa yun. Para madala naman siya na hindi tama na tututok ka sa kahit sinong tao,” dagdag pa ni Puno.

Ayon kay Puno, ipagpapatuloy ng House Ethics Committee sa Lunes ang pagdinig sa kaso ni Barzaga matapos maantala dahil sa bagyong Uwan noong Nobyembre 10.

(TOTO NABAJA/BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment