BATANGAS GOV. VILMA SANTOS-RECTO DUMEPENSA SA PAGMAMALIIT NIYA RAW SA MGA ORDINARYONG TAO!

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA panahon ng social media kung saan mabilis kumalat ang impormasyon—totoo man o mali—nagiging mapanganib ang pinuputol na pahayag at iniaahon sa sariling naratibo.

Ito ang sitwasyong kinasangkutan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, na kamakailan ay inakusahan online na umano’y binatikos ang mga ordinaryong mamamayan.

Ngunit sa masusing paglilinaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, malinaw na hindi ang taumbayan ang puntirya ng Gobernador, kundi ang lumalalang kultura ng maling impormasyon.

Ang kumakalat na mga post, ayon sa tanggapan ng Gobernador, ay pira-pirasong bahagi lamang ng isang mas mahabang panayam—pinili, inedit, at inalis sa tamang konteksto.

Sa ganitong paraan, nabaluktot ang tunay na diwa ng kanyang pahayag at napalitan ng akusasyong wala sa katotohanan.

Aba’y isang paalala ito kung gaano kadaling gawing sandata ang teknolohiya laban sa katotohanan kapag sinadyang manipulahin ang nilalaman.

Sa kabuuan ng kanyang panayam, ang mensahe ni Gov. Vilma ay malinaw at may saysay.

Ang paglaganap ng pekeng balita at mapanirang online behavior ay seryosong banta sa maayos na pampublikong diskurso.

Hindi niya binabatikos ang karaniwang mamamayan, bagkus ay hinihikayat silang maging mapanuri, suriin ang pinanggagalingan ng impormasyon, iwasan ang padalus-dalos na pagbabahagi, at igalang ang katotohanan.

Isa itong panawagan ng responsableng pagkamamamayan sa digital age.

Hindi rin maikakaila na ang mga basher at sinadyang maling impormasyon ay may kakayahang maghasik ng galit, pagkakahati-hati, at kawalan ng tiwala—hindi lamang sa mga lider, kundi pati sa mismong institusyon ng demokrasya.

Masasabi nga na sa ganitong konteksto, ang paalala ng Gobernador ay hindi insulto, kundi babala.

Isa rin itong paalala na ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kaakibat na pananagutan.

Sa totoo lang, hindi lamang tungkol kay Gov. Vilma Santos-Recto ang usaping ito.

Ito ay salamin ng mas malaking hamon na kinakaharap ng lipunan kung paano mananatiling buo ang katotohanan sa gitna ng ingay ng maling balita.

At hindi lang sa mga pinuno ang hamon, kundi sa bawat isa sa atin.

Sabi nga, sa bawat click, share, at reaksyon, may kapangyarihan tayong magpalaganap ng liwanag—o magpalalim ng dilim.

103

Related posts

Leave a Comment