MATAPOS magpahayag ng suporta ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga konsyumer na tumatangkilik sa digitalization ng mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi sa bansa.
“Dapat patuloy na maging maagap ang gobyerno sa pagkakaroon ng mga sapat na hakbang na magbibigay proteksyon sa ating mga konsyumers,” sabi ni Gatchalian.
Pinasalamatan ni Gatchalian ang BSP sa suportang ibinibigay nito sa kanyang Senate Bill No. 2287 o ang panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act lalo na’t binigyan diin nito ang kahalagahan ng batas na magsisiguro sa interes ng mga financial consumers.
Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, dumarami ang bilang ng mga tumatangkilik sa financial services at mga makabagong pamamaraan ng serbisyong may kinalaman sa pananalapi simula noong isang taon o mula nang pumutok ang pandemya.
Sa ilalim ng SB 2287, mapapalawak ang kapangyarihan ng BSP at iba pang financial regulators katulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) para magsagawa ng mga kaukulang hakbang na layong paigtingin ang proteksyon ng publiko sa pamamagitan ng market conduct surveillance and examination, market monitoring, enforcement, provision of complaints handling mechanism, adjudication at paggawa ng mga nararapat na panuntunan, paliwanag ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
