NAGPAPALAMIG sa isang hotel sa lungsod ng Davao ang kontrobersyal na negosyante at dating Presidential adviser na si Michael Yang habang mainit na tinatalakay sa Senado ang mga kontratang pinasok ng kumpanyang umano’y pinopondohan niya.
Ayon sa impormasyong nakarating sa SAKSI Ngayon, si Yang ay namataan sa lobby ng Dusit Hotel nitong weekend.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakalipas na Martes unang inirekomenda ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay Yang dahil sa patuloy na pang-iisnab sa imbestigasyon sa sinasabing overpriced COVID-19 equipment.
Kasama niyang ipinaaaresto ang ibang Pharmally Pharmaceutical Corporation officials na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Krizle Grace Mago at Justine Garado dahil din sa hindi pagdalo sa pagdinig.
Nitong Biyernes, bagaman virtual na dumalo si Yang sa pagdinig ay nagpalabas pa rin ang Senado ng arrest warrant dahil naman umano sa pagsisinungaling nito at hindi tamang pagsagot sa mga tanong ng mga senador.
Ipinaaaresto rin ang kasama nitong si Linconn Ong.
“May I move or issue the motion Mr. Chairman, it’s not only Mr. Ong who is being evasive. I think Mr. Yang likewise is being evasive because we cannot get an answer …and clearly they are being evasive,” sabi ni Senador Panfilo Lacson.
“So I would really move, either not to lift the warrant of arrest issued by the Senate president or issue a subsequent warrant of arrest for being evasive,” dagdag nito.
Samantala, nasa kamay na ng Senate Sergeant at Arms ang diskarte kung paano aarestuhin si Yang.
Sa gitna ito ng impormasyon na nananatili si Yang sa Davao at nangakong muling dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Lunes hinggil sa sinasabing overpriced na procurement ng medical equipment.
“Yun ang problema (nasa Davao si Yang). Diskarte ng OSAA,” sagot ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III nang tanungin kung paano ipatutupad ang arrest warrant.
Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na kumbinsido siya na nagsisinungaling si Yang nang igiit na wala siyang kinalaman sa transaksyon bukod sa ipinakilala lamang niya ang Pharmally sa Department of Budget and Management-Procurement Service.
“Lumalabas na nagpopondo siya, guarantor sabi ni Presidente siya ay pagador. Ang daming lumalabas sa kanya kapag nagsisinungaling talagang liku-liko ang sasabihin nila,” diin ni Gordon.
Sa pagdinig, itinanggi ni Yang na may kinalaman ito sa operasyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, ngunit sinabi naman ni Ong na nagsilbi ang una na middleman para makakuha ng business partner upang mapasok ang kontrata sa Procurement Service ng Department of Budget and Management. (DANG SAMSON-GARCIA)
