ILA-LOCKDOWN mula ngayong Biyernes ang Batasan Complex, hindi dahil sa COVID-19 pandemic kundi bilang bahagi ng mahigpit na seguridad na ipatutupad sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 26.
Ito ang kinumpirma ni House secretary general Mark Llandro Mendoza. Aniya, tatagal hanggang Linggo ang lockdown at bubuksan ang gusali sa mga mambabatas at guests sa mismong araw ng SONA ni Duterte.
Ayon kay Mendoza, regular na aniyang ginagawa na tatlong araw bago ang SONA ay nagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa Batasan Complex kasama na ang pagla-lockdown kung saan hindi na papapasukin ang mga walang papel sa paghahanda sa nasabing okasyon.
Tulad ng mga nakaraan, pangungunahan ng Presidential Security Group (PSG) ang pagtiyak ng seguridad sa loob ng Batasan Complex habang ang Philippine National Police (PNP) ang nakatalaga sa paligid.
Out na si Joyce Bernal
Samantala, hindi na binigyan ng papel si Joyce Bernal sa huling SONA ni Duterte dahil hindi na umano kumuha ang Malacañang ng director na magdidirehe sa pag-uulat ni Duterte sa bayan.
“Final na, hindi si Direk Joyce Bernal ang Coverage Director ng huling SONA ni Duterte sa Lunes, ang PTV-4 government media ang inatasan gumawa ng trabaho,” ani Mendoza.
Unang nagdirehe sa SONA ni Duterte si Director Brillantes Mendoza at sa mga sumunod ay ibinigay kay Bernal ang nasabing trabaho subalit ngayon ay in-house director umano ng PTV-4 ang mamamahala.
Walang paliwanag ang Malacañang sa hindi pagkuha ng director sa huling SONA ni Duterte na ang PTV-4 at RTVM ang tanging broadcast media na papayagan magkober at siyang magpi-feed sa mga pribadong media outlet. (BERNARD TAGUINOD)
149
