MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
PARANG walang sumeseryoso sa Republic Act (RA) 11313 o Safe Space Act na mas kilala bilang Bawal Bastos Law, dahil naglipana pa rin ang mga bastos tulad ngayong panahon ng kampanya para sa midterm election.
Ang batas na ito ay unang inimplementa noong October 2019 at ang inatasang mag-implementa nito ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Local Government Units (LGUs) at Philippine National Police (PNP).
Malamang ay alam nina ni Atty. Christian Sia at Misamis Oriental Governor Peter Unabia ang batas na ito na may katapat na parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan at multang P1,000 hanggang P100,000 depende kung gaano sila kadalas lumabag at bigat ng kanilang pagkakasala.
Maaaring gustong magpatawa ang mga ito para hindi aantukin ang kanilang nililigawang mga botante pero hindi katawa-tawa ang kanilang binitawang mga salita laban sa mga kababaihan na siyang partikular na pinoproteksyunan ng batas na ito.
Ang malungkot lang, hindi agad nagsampa ng kaso ang DILG, LGU at PNP sa mga kandidatong ito at pinagpapaliwanag lamang sila ng Commission on Election (Comelec) gayung malinaw ang batas na sila ang mag-iimplementa sa batas na ito.
‘Yan ang mahirap sa ibang kandidato, imbes na plataporma ang ilatag ay pilit na pagpapatawa ang ginagawa sa entablado na imbes na makatulong ay nakasisira pa sa kanilang kandidatura lalo na kung corny at may nasasaktang sektor ng lipunan.
Ang masaklap kapag napuna, na-bash at nabatikos ay ang kalaban nila ang sinisisi o kaya ‘yung nag-upload ng video ng kanilang masamang biro. Ang tawag diyan palusot pero nagkaroon na ng damage sa kanilang imahe, ika nga.
Pero hindi lang sa toilet humor ng ilang kandidato ako nababastusan sa mga tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno kundi sa hindi nila paggalang sa kanilang mga kalaban dahil sa kanilang paninira.
Kabastusan para sa akin ang pag-akusa ng isang kandidato sa kanyang kalaban kahit walang basehan. Karamihan sa mga tumatakbo na may kalaban ay nagbabastusan sa entablado para makuha lang ang boto ng mga tao.
Kung ang mga kapwa politiko ay hindi nila iginagalang, aasa ka ba na ‘yung mga ordinaryong mamamayan na kanilang nililigawan ay igagalang din nila? Isang malaking HINDI kaya dapat mag-isip-isip ang mga botante.
Dahil sa ganyang uri ng pangangampanya, nagiging matensyon ang sitwasyon kaya malimit hindi mapayapa ang halalan lalo na sa mga lugar na ang magkakalaban ay parehong may kakayahan.
Ang masaklap pa, ang mga kandidatong magkakalaban ay dating magkakasama, magkukumpare, dating magkakainuman at iisa ang kanilang kinabibilangang partido, pero dahil lahat sila ay gustong maluklok sa kapangyarihan, naghiwa-hiwalay at naging magkalaban. Kabastusan yan!
