HINDI ikinagulat ng marami ang pagbawi ng testimonya ng inakalang whistleblower na si Krizle Mago ng Pharmally, kaugnay ng bilyon-bilyong pisong pondong ibinayad ng gobyerno para sa kanilang overpriced at dispalinghadong face shields na kinailangan ng healthcare workers sa pagtupad sa iniatang na trabaho.
Sino nga ba naman ang hindi kakabahan kung ang mismong gobyerno ay kilala sa kulturang patayan, karahasan at katiwalian.
Sa imbestigasyon ng Senado, umamin si Mago. Aniya, gobyerno’y sadya nilang niloko. Pagkatapos umamin, biglang nawala si Mago.
Nang siya’y lumutang, lahat ay nagbago. Ang kanyang testimonya, hindi raw totoo. Sa kanyang pagbawi, wala raw pressure, walang panggigipit – sa mga pahayag ng taong tila may itinatago.
Ang kaba, halatang-halata sa dalaga. Malamang sa hindi, may nakaambang banta sa pamilya.
Bakit nga naman hindi magdududa ang bayan ko. Mayroon bang taong nasa mataas na estado ang aaming siya’y medyo nasisiraan ng ulo? Walang taong nagnanais na ilagay ang sarili sa kahihiyan kung walang nakaambang kapahamakan.
Kredibilidad ay isinuko sa hangaring walang masawi sa ibinulgar na bulilyaso.
Ang siste, tila hostage ngayon si Mago ng Kongreso kung saan nananahan ang mga kaalyado ng Pangulo. At ang pamilya? Hindi matiyak ang kaligtasan, pati ang eksaktong kinalalagyan.
Ganun marahil kung maglaro ang mga tiwali. Ang kumontra, hindi malayong masawi.
Masyado nga naman kasing masakit kung ang administrasyon ay malalagay sa kompromiso lalo pa’t ang anak ng Pangulo, hangad na pumalit sa iiwanang trono sa Palasyo.
Umabot na sa sukdulan ang pagtatakip ng administration sa kabi-kabilang bulilyaso. Nalagay sa peligro ang integridad ng gobyerno.
Ang tanong, sino pa ngayon ang maglalakas loob na magsiwalat ng totoo kung ang gobyernong dapat sana’y magbigay proteksyon sa mga testigo ay ang mismong promotor ng gulo?
Sa isang banda, tama ang administrasyon. Sukdulan kung kailangan, kasi nga naman, malapit na ang halalan.
202
