BAYAN NG MAGSAYSAY SA DAVAO, NI-LOCKDOWN

DAVAO del Sur – Umabot sa 1,140 baboy ang inilibing baboy dahil sa African Swine Fever (ASF) outbreak nagbunsod upang magdekala ang alkalde ng bayan ng Magsaysay ng municipal-widelockdown nitong Martes, Agosto 25.

Nilagdaan ni Mayor Arthur Davin ang 15 araw na lockdown para sa pagpapatigil ng operasyon ng municipal slaughterhouse at walang baboy ang maaaring katayin sa 22 barangay ng bayan.

Ipinag-utos din ni Davin sa mga tauhan ng Municipal Agriculture Office (MAO) na makipag-ugnayan sa mga tanod at opisyal ng barangay upang magsagawa ng imbentaryo para masigurong walang kakataying baboy.

Kasama sa direktiba ang pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng pork meat vendors sa pamilihang bayan at lahat ng meat shops.

Hindi rin maaaring makabili ng mga baboy o karneng baboy sa ibang lugar dahil hindi ito makapapasok sa kanilang lugar dahil sa inilagay na ASF checkpoints.

Kinakailangan umanong tumalima ang publiko sa municipal-wide lockdown upang ‘di sila maharap sa kasong paglabag sa RA 10536 o Meat Inspection Act na may katumbas na pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw o hanggang 12 taon o kaya’y multa sa halagang P100,000 hanggang P1 milyon.

Nagsagawa na ng contact tracing sa ASF outbreak ang lokal na gobyerno upang malaman ang pinagmulan ng outbreak.

Napag-alaman noong Biyernes, Agosto 21, sinimulan na ng lokal na gobyerno ang pagpapalibing sa mga baboy na nakitaan ng sintomas sa ASF habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa kinuhang blood samples.

Humingi ng kooperasyon ang alkalde sa publiko kahit apektado na ang kanilang pamumuhay upang makontrol ang ASF outbreak sa mga barangay. (DONDON DINOY)

87

Related posts

Leave a Comment