BBM, ROMUALDEZ ‘DI MAGBABANGGAAN

TINIYAK ni House Majority leader Ferdinand Romualdez na hindi sila magbabanggaan ng pinsan na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2022 election.

Sa press conference kahapon, pinasalamatan ni Romualdez si Pangulong Rodrigo Duterte na sinabing susuportahan siya nito kapag nagpasyang tumakbo bilang pangalawang pangulo.

Maugong na isa sa mga posibleng tumakbo sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno ay si Marcos.

“I don’t see any conflict. Bago makadesisyon tayo mag-usap-usap tayo. So I don’t foresee any conflict. Alam mo naman lahat ng conflicts, basta harapin natin, mag-usap-usap tayo, bago magkaroon ng problema mareresolba natin,” ani Romualdez.

Hanggang kahapon ay wala pang pasya si Romualdez kung tatakbo ito bilang pangalawang pangulo bagama’t aminado ito na kinikilig sa tila pag-endorso ni Duterte dahil bihira aniya ang mula sa Region 8 na nahalal sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Magugunita na unang lumutang ang pangalan ni Romualdez sa vice presidential race noong 2019 sa gitna ng speakership derby nila nina dating Speaker Alan Peter Cayetano at Speaker Lord Allan Velasco.

Namagitan si Duterte sa labanan ng mga ito kaya nauwi sa hatian nina Cayetano at Velasco ang House leadership habang si Romualdez ay sinabihan umano ng pangulo na huwag nang makipag-agawan dahil siya ang susuportahan sa vice presidential race kapag nagpasya itong tumakbo sa nasabing posisyon.

Sa ngayon ay walang maugong na presidential candidate ang Lakas-CMD na pinamumunuan ni Romualdez subalit inamin nito na mayroon silang alyansa sa Hugpong ng Pagbabago party ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. (BERNARD TAGUINOD)

182

Related posts

Leave a Comment