HINDI bumenta sa oposisyon sa Kamara ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ayaw nito sa Charter Change (Cha-Cha) na isinusulong ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso.
Ayon kay House assistant minority leader Rep. Arlene Brosas ng Gabriela party-list, malaki ang pakinabang ng pamilyang Marcos at mga kaalyado nito kapag naamyendahan ang 1987 Constitution.
“Marcos Jr. cannot simply isolate himself from this major issue to clear his name when the public is fully aware that he, his family, and his cronies will ultimately benefit from term extension and opening our economy to foreign investors,” ani Brosas.
Dahil dito, hindi naniniwala ang mambabatas na hindi prayoridad ni Marcos ang Cha-cha tulad ng kanyang pahayag sa Tokyo matapos matanong hinggil sa sinimulang public consultation ng House committee on constitutional amendments para amyendahan ang 1987 Constitution.
“His statement is merely a way to wash his hands from the anti-poor and anti-people Constitutional amendments that are being fast-tracked in the Lower House,” ayon pa kay Brosas.
Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na kung talagang hindi prayoridad ni Marcos ang Cha-Cha ay dapat nitong iutos sa Kamara ang pagpapatigil sa public consultation.
Ipinaliwanag ni Castro na lahat ng utos ni Marcos sa Kamara ay agad sinusunod tulad ng pagpapatibay sa Maharlika Investment Fund (MIF) kaya kung talagang hindi umano nito prayoridad ang Cha-Cha ay dapat ipatigil nito ang public consultation sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Nagsasayang lang ng pera, oras at resources ang mga nagtutulak ng Cha-cha sa ngayon dahil hindi naman ito ang kailangan ng mamamayang Pilipino sa kasalukuyan,” ani Castro.
Ang nasabing komite na pinamumunuan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ay nakapagsagawa na ng dalawang out of town public consultation sa Cagayan de Oro City at Iloilo, ayon kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)
