NANINIWALA si Governor Leopoldo Dominico Petilla na mananalo sa Leyte si Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. dahil tiyak na makakakuha ito ng 70 hanggang 80 porsyento ng boto mula sa kanyang lalawigan.
Ibinahagi ni Petilla na ilang linggo na silang nakikipagkita sa mga residente at barangay officials sa iba’t ibang bayan at siyudad upang ipakilala si Marcos.
“We have already endorsed BBM. This is just a rally to reiterate our support. Unang-una, galing siyang Leyte. Regionalistic tayo at talagang kinakampihan namin ang taga-rito. Endorsing him is not just my decision, lahat kami rito sinusuportahan namin siya,” sabi niya sa ginanap na rally ng UniTeam sa Baybay, Leyte.
“Nagpagawa ako ng survey dito at 70 to 80 percent ng mga botante ang sumusuporta kay BBM. Pero ‘yung natitirang 30 o 20 percent, hindi ibig sabihin mapupunta lahat sa isa lang sa mga ibang kandidato. Mahahati-hati pa ‘yun,” dagdag ng gobernador.
Pinaalalahan din ni Petilla ang mga tagasuporta ng UniTeam maliban sa pagpapakita ng kanilang suporta kay Marcos ay dapat ipakilala rin nila siya sa iba upang mas dumami pa ang susuporta sa kanya.
Aniya ang pinaka-importante sa lahat ay ang pagpunta nila sa mga voting poll upang maiboto si Marcos sa May 9.
“Maganda na nandito kayo para ipakita ang inyong suporta kahit umuulan. Maganda rin na nangungumbinsi pa kayo ng mga kamag-anak at kaibigan niyo na suportahan si BBM. Pero ang mas importante ay ‘yung pagdating ng May 9, kahit umuulan din, ay lumabas kayo para iboto niyo siya,” sabi ni Petilla.
Ang iba’t ibang local government officials sa Leyte, mula sa First District hanggang Fifth District ay inendorso na si Marcos sa ginanap na meet at greet sa mga incumbent at aspirants para sa iba’t ibang position sa ilalim ng PDP-Laban Party kung saan si Governor at Energy Secretary Carlos Jericho ‘Icot’ Petilla ang gubernatorial bet.
Dumalo rin sa pagpupulong ang ABC presidents mula sa iba’t ibang munisipalidad at siyudad.
Inihayag din ni San Miguel, Leyte Mayor Chekay Esperas, isang two-term mayor at one-term councilor, ang sinabi ng incumbent governor na kanilang sinusuportahan si Marcos dahil siya ay nanggaling din sa kanilang lalawigan.
Ang ina ni Marcos na si Imelda Marcos ay tubong-Tacloban.
“Taga-Leyte kasi siya. Regionalistic kasi kami. At si First Lady Imelda Marcos, marami siyang nagawa dito sa Leyte. Mananalo talaga sila dito,” sabi ni Esperas.
Para naman kay Baybay Mayor Jose Carlos “Boeing” L. Cari, buo ang suporta nila para kay Marcos at kanyang running mate na si Inday Sara Duterte dahil sa adhikain nila ng pagkakaisa.
“Maligayang pagdating, Ginoong Pangulo. Kami po ay nakikiisa sa layunin ninyong pagkakaisa,” sabi ni Cari.
Nagpasalamat naman si Marcos sa napakalakas na suporta ng mga taga- Baybay matapos mapuno ang Baybay Convention Center complex. Karamihan sa kanila ay nag-abang sa labas kahit na maulan makasama lamang sa rally.
“Kumaway kayo para makita ng buong Pilipinas na dito sa Leyte po, walang umaalis kahit umuulan,” sabi ni Marcos nang mapansin niya ang lumilipad na drone.
“Hindi ko na kailangang ipaliwanag dito ang pagkakaisa. Tumingin lang kayo sa likuran ko. Ang ating mga local officials, kahit nasa magkabilang panig, nandito sila. Nagkaisa na ang Leyte.
Nagkaisa na sa likod ng tambalang Marcos – Duterte,” dagdag niya.
Dumalo rin sa rally si Congresswoman Lolita Javier, former Cong. Sandy Javier, at Vice Governor Carlo Loreto.
100% suporta
sa BBM-Sara UniTeam
Kaugnay nito, si Southern Leyte Governor Damian G. Mercado at iba pang mga opisyal ng lalawigan ay pinangunahan ang paglagda ng ‘statement of support’ nitong Sabado para ipakita na buo ang kanilang suporta sa tambalan nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running mate niya na si Inday Sara Duterte.
Kabilang sa lumagda si Vice Governor Coco Yao na ngayon ay tumatakbong congressman ng 2nd district ng lalawigan, at si Maasin City Mayor Nacional ‘Nikki’ V. Mercado.
Kasama rin sa pumirma ang walong board members, municipal mayors at kinatawan ng dalawang distrito ng lalawigan.
Nakasulat sa ‘statement of support’ na naniniwala ang mga opisyal sa tambalan nina Marcos at Duterte at magpapatuloy sa magandang sinimulan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte sa lalawigan.
“We believe that this ticket will best represent our collective interest in continuing the legacy of President Rodrigo Roa Duterte and the many great things his administration has accomplished,” ayon sa mga opisyal.
Sinabi nila na gagawin nila ang lahat para maipanalo ang tandem ni Marcos at Duterte sa kanilang lalawigan at nangakong 100% ang ipakikitang suporta dahil ang dalawa lang aniya ang may kakayahan na mamuno at pagkaisahin ang bansa.
“We will do everything for this tandem to win. We will give our 100% full support to Marcos and Duterte for they can lead and unite the country,” sabi pa nila.
Dagdag pa nila na ang BBM-Sara UniTeam ang natatanging halimbawa na kailangan ng bansa para matupad ang mga pangarap at inaasam na kaunlaran.
“This is the team that epitomizes the kind of leaders we need to help us fulfill our dream and hopes for our country,” dagdag pa ng mga opisyal.
Pinirmahan ang naturang statement of support ngayong Sabado, April 9, 2022 sa Maasin City, Southern Leyte.
Pag-asang hatid
sa Borongan
Kasabay ng unti-unting pagliwanag ng kalangitan, lumiwanag din ang kinabukasan ng mga taga-Borongan, Eastern Samar sa hatid na pag-asa ng tambalang BBM-Sara.
Maging ang kalikasan ay nakiisa sa pag-asang dala ng BBM-Sara UniTeam dahil sa paghina ng malakas na ulan nang dumating ang pinaka pinag-uusapang kandidato sa pagka-presidente na si Marcos at ibang UniTeam senatorial candidate.
Tinanggal ng mga estehanon ang kanilang mga payong, sigaw nila ‘walay payongay’ ibig sabihin walang magpapayong na nagpakita ng tunay na pagmamahal nila sa BBM-Sara UniTeam.
Ayon kay Marcos, sa kabila ng malakas na ulan sa lalawigan ay hindi siya nagdalawang- isip na balikan sa pangalawang pagkakataon ang Borongan, Eastern Samar.
“Pinayuhan ako ng mga piloto na delikado ang pagpunta sa Borongan dahil sa masamang panahon pero pinilit ko dahil kailangan mapuntahan ko sila hinihintay nila ako,” ayon kay Marcos.
Humanga rin ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas sa mga taga-Borongan dahil hindi siya iniiwan sa kabila ng pabugso-bugsong ulan.
“Kala ko kapag umuulan lumalamig, pero dito sa Borongan, mainit! dahil sa mainit na pagtanggap niyo sa akin at sa UniTeam, sobra iyong pagmamahal niyo sa amin, hindi niyo kami iniwan kahit umuulan, walay payongay,” sabi ng pambato ng PFP.
Dagdag pa ng dating senador na nasaksihan niya ang sinasabing ‘Marcos’ weather na kung saan humihinto ang ulan kapag Marcos na ang nagsasalita.
“Totoo pala yung sinasabi nilang Marcos weather na kapag Marcos na ang nagsasalita humihinto ang ulan, talaga naman na pati ang kalikasan nakikiisa sa atin,” sabi pa ni Marcos.
Sabi naman ng magbabalik na bise gobernador ng Eastern Samar na si Dindo Picardal, may totoong puso para sa paglilingkod sa bayan at magbibigay ng pag-asa para sa Pilipinas sina Marcos at Duterte.
“Si Marcos ang totoong nagmamahal sa bayan, sila ang tunay na magbibigay pag-asa sa Pilipinas lalo na dito sa Borongan, sa mga Estehanon kaya dapat si Bongbong ang sumunod na pangulo ng bansa at si Inday Sara ang kanyang maging bise presidente,” ayon kay Picardal.
Binigyan diin din ng tumatakbong gobernador na hindi importante ang kulay, ang importante ay kung ano ang nasa puso katulad lang aniya na hindi mahalaga ang nakaraan, ang mahalaga ang kinabukasan ng bansa.
“It’s not about color, it’s about what’s in the heart, like, it’s not about the past but it’s about our future and our future is BBM-Sara UniTeam,” dagdag pa ng magbabalik bise gobernador.
Ikinatuwa naman ni Alejandro Duzon na isang senior citizen na 95 years old ang pagpunta ng dating senador, isa si Tatay Alejandro sa mga tumayo at naghintay sa pagdating ng BBM-Sara UniTeam.
“Isa akong Marcos Loyalist, gustong -gusto ko makita si BBM, 95 years old na ako pero pumunta ako dito para makita si BBM pati na rin si Mayor Inday, alam ko na si Bongbong ang pag-asa ng bayan natin katulad ng kanyang ama,” ayon sa matanda.
91