Pininsala ng Bagyong Paeng PAGBANGON NG ANTIQUE TINIYAK NI PRES. MARCOS JR.

(CHRISTIAN DALE)

GAGAWIN ng mga taga-gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang agad makabalik ang mga taga-Antique sa kanilang normal na pamumuhay at makabangon mula sa hagupit ng Bagyong Paeng.

Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nabiktima ng kalamidad, sinabi nitong gagawin ng gobyerno ang buong makakaya nito upang maisaayos ang mga winasak ng bagyo at makabalik na sa kanilang hanapbuhay ang mga residente.

Isa rin aniyang magandang pagkakataon para masuklian ang suporta ng mga taga-Antique sa kanya sabay paninigurong sama-samang makakabangon ang lahat sa pagkakalugmok mula sa kalamidad.

Siniguro naman ng Punong Ehekutibo na maayos ang ginagawang pamamahagi ng tulong at lahat aniya ay mabibigyan.

Pinangasiwaan din ng Punong Ehekutibo ang pamamahagi ng iba pang tulong para sa mga magsasaka gaya ng financial assistance para sa mga magsasaka na aabot sa higit 177 million pesos na pakikinabangan ng may 35 libong farmers.

Bukod dito, namahagi rin siya ng P13 milyon para naman sa palay seed na ibibigay din sa mga magsasaka sa Antique.

Samantala, ipinagtanggol ng Pangulo at sinabing hindi matigas ang ulo ng mamamayan na tumangging magpalikas sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Kaya wala aniyang dahilan na sisihin ang mga ito sa hindi pag-iwan sa kanilang tahanan.

Sa isang situation briefing matapos ang pananalasa ni tropical storm Paeng sa Antique, sinabi ni Pangulong Marcos na “very natural” ang problema sa mga taong tumanggi na magpalikas at nangyayari ito kahit saan.

“Hindi matigas ang ulo nila. Ganyan talaga everywhere. Everywhere ka pumunta problema ang evacuation. Ayaw nilang iwanan ‘yung bahay nila eh. Siyempre you cannot blame them.’ Yan na nga hinahabol ang baka malaki ang halaga nun. ‘Yung mga bahay nila ayaw nilang iwanan,” ayon sa Pangulo.

“Baka kahit hindi madaanan ng tubig eh pagbalik nila wala nang laman ‘yun. Siyempre very natural ‘yan, everywhere is the same. You have to find a way to convince them whatever to bring them to evacuation center,” winika pa nito.

Ang pahayag na ito ni Pangulong Marcos ay matapos sabihin ni Antique Governor Rhodora Cadiao na may ilang tao ang makikitaan ng katigasan ng ulo at hayagang tumatanggi na lisanin ang kanilang bahay sa kabila ng panganib ng sakuna o kalamidad.

28

Related posts

Leave a Comment