AKSYON Ni CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON
NITONG huling mga araw, walang tigil ang reklamo ng Overseas Filipino Workers (OFWs) patungkol sa mga benepisyo na hindi nila natatanggap pagkatapos ng kanilang kontrata. Kung susuriin nang mabuti, ang “end of service benefits” ay obligasyon ng mga employer sapagkat ito ay parte ng kontrata subalit hindi ito nasusunod kahit noong mga nagdaang taon.
Hindi ito napapansin ng mga kinauukulan sapagkat ang mga OFW ay hindi na rin naghahabol matapos ang kanilang paninilbihan. Ito ay isang seryosong usapin dahil nasanay na ang mga employer na balewalain ang probisyon ng kontrata na nagbibigay ng dagdag benepisyo bago sila umuwi ng Pilipinas.
Karamihan sa mga manggagawa ay saka pa lamang hinahabol ang recruitment agency kapag nakauwi na sa ating bansa. Dapat baguhin ang sistema sa jobsite upang masigurado na ang lahat ng sahod at benepisyo ay natanggap ng isang OFW bago ito pauwiin.
Malaki ang papel na gagampanan ng foreign agency at Philippine Overseas Labor Office (POLO) upang maproteksyunan ang mga OFW patungkol sa bagay na ito. Hindi pwedeng basta na lamang pauwiin ang tao nang walang clearance mula sa foreign agency.
Dapat panagutin ng ating POLO ang mga foreign agency na hindi tumutupad sa kontrata lalo na sa pagbibigay ng end of service benefits. Hindi pwedeng ipasa na lamang sa recruitment agencies and obligasyon ng mga employer dahil hindi ito magiging makatarungan para sa buong industriya.
Isang buwan bago matapos ang kontrata, kailangan ay magkaroon na ng usapan sa pamamagitan ng foreign agency at employer upang malaman na kaagad ang posibleng problema kapag hindi tumutugon ang employer.
Sa ilalim ng umiiral na regulasyon, kapag hindi tumupad sa usapan ang mga employer ay maaaring magdulot ng problema sa kanilang negosyo dahil ito ay isa sa mga dahilan ng suspension o disqualification laban sa mga employer o foreign agency sa pamamagitan ng Disciplinary Action against Principal/Employer (DAE).
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com.
