SURGE CHARGES NG MGA TNVS, DAPAT IMBESTIGAHAN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ANG pagpasok ng pandemyang COVID-19 sa ating buhay ay ­nagresulta sa pagkakaroon ng bagong normal. Ipinakita ng ­pandemya na mayroon pang ibang paraan kung paano natin maaaring gawin ang mga bagay na karaniwan nating ginagawa sa araw-araw tulad ng pagpasok sa trabaho.

Sa ilalim ng bagong normal, mayroong mga nagpatupad ng work from home setup at mayroon ding nagpatuloy sa pisikal na pagpasok sa trabaho. Kung mahirap mag-komyut noon, lalong lumala ang hirap ng mga komyuter nang nagsimula ang pandemyang COVID-19 dahil sa pagpapatupad ng social distancing maging sa mga pampublikong ­sasakyan. Binabaan ang kapasidad ng mga ito kaya’t marami ang ­gumamit ng serbisyo ng mga motorcycle taxi.

Ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang takbo ng ating buhay, nananatili pa ring patok ang serbisyo ng mga motorcycle taxi dahil bumalik na rin sa normal ang daloy ng trapiko sa bansa. Bukod dito, mas mura rin ito kumpara sa ibang opsyon.

Upang masigurong abot-kaya ang presyo ng pamasahe, kinakailangang maging mapagmatyag ang pamahalaan ukol sa charges na ipinapataw ng mga operator ng mga pampublikong transportasyon. Kailangang siguruhing walang umaabuso at naniningil nang sobra sa mga komyuter.

Makatutulong sana ang pagpasok ng Grab sa industriya ng motorcycle taxi. Ang pagkakaroon ng panibagong kalahok sa kompetisyon sa transportasyon ay makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng pamasahe. Subalit marami ang umalma sa usaping ito na siyang ­nagbigay-daan sa paglutang ng isyu ng overcharging ng Grab.

Nagsumite ng petisyon ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa pangunguna ni Atty. Ariel Inton, sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para imbestigahan ang surge fee na ipinapataw ng Grab. Bagaman ipinaliwanag ng Grab sa ginawang pagdinig na ang pagtaas sa presyo ng pamasahe nito ay ­alinsunod sa mga alituntunin ng LTFRB,

tila hindi naman sinang-ayunan ng ahensya ang paliwanag na ito. Batay pa sa karagdagang paliwanag ng Grab, tinataasan nila ang pamasahe upang maiwasan ang mga maiikling byahe.

Sa aking personal na opinyon, hindi sapat na rason ang maiikling byahe para taasan ang pamasahe. Dapat pareho lamang ang charges na ipinapataw ng Grab sa mga komyuter, malayo man o malapit ang byahe dahil parehong serbisyo lang naman ang nakukuha ng mga ito.

Nakatakda ang sumunod na pagdinig sa ika-13 ng Disyembre kung saan inaasahang magpapaliwanag ang Grab ukol sa charges na ipinapataw nito sa mga pasahero. Tiyak na marami ang nag-aabang sa paliwanag ng kompanya lalo na ang mga komyuter na madalas gumamit sa serbisyo nito.

Sang-ayon ako sa ginagawa ng mga mambabatas at mga ahensya na imbestigahan ang singil ng Grab lalo na’t papasok na rin ito sa industriya ng motorcycle taxi. Mahalagang masiguro na ang pagpasok nito ay talagang makatutulong sa mga komyuter. Normal naman sa negosyo ang gustuhing kumita, ngunit hindi ito dapat gawin sa pamamagitan ng pang-aabuso sa mga konsyumer.

327

Related posts

Leave a Comment