(CHRISTIAN DALE)
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management o DBM na tiyaking may makukuhang benepisyo ang mga personnel na nakatalaga sa Presidential Anti-Corruption Commission at Office of the Cabinet Secretary kasunod ng pagbuwag sa mga ito.
Ang kautusan ng Chief Executive ay nakapaloob din sa Executive Order 1 na nag-uutos sa pagbuwag sa dalawang nabanggit na tanggapan na dating nasa ilalim ng Office of the President.
Nakapaloob sa EO na maaaring maka-avail ng benepisyo ang mga naapektuhan ng abolisyon basta’t alinsunod sa itinatakda ng batas.
Sa kabilang dako, inaatasan din ng Pangulo ang DBM na maglabas na kaukulang pondo ukol dito “subject to civil service, budgeting, accounting and auditing rules”.
Hindi naman batid kung ilang empleyado mula sa OCS at PACC ang naapektuhan ng paglusaw sa nabanggit na mga tanggapan.
Sa ilalim ng Executive Order No. 1, pinabubuwag na ni Pangulong Marcos Jr., ang PACC at Office of the Cabinet Secretary.
Nakasaad sa EO 1, na ililipat sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ang dating powers and functions ng PACC.
Ang naturang tanggapan na ang gagawa ng rekomendasyon sa alinmang administrative case na dinirinig nito at aaprubahan naman ng Office of the Executive Secretary.
Sa kabilang dako, ang Cabinet secretariat na ang aasiste sa Pangulo sa pagbuo ng agenda topics para sa cabinet deliberations kasunod ng pagbuwag sa Office of the Cabinet Secretary.
Ito ay gagawin nang may koordinasyon sa Office of The Executive Secretary.
Ang cabinet secretariat ay mapapasailalim sa Office of the Presidential Management Staff.
Reorganization sa PCOO
Kaugnay nito, kikilalanin na bilang Office of the Press Secretary ang kasalukuyang Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Nakasaad naman ito sa ilalim ng Executive Order no. 2 na ibinaba ng Malacañan.
Ipinag-uutos dito ang renaming at reorganization ng PCOO at attached agencies nito, patungo sa Office of the Press Secretary (OPS).
Ang OPS ay pamumunuan ng Office of the Secretary (OSec), magkakaroon ito ng assistant secretary, at support staff na hindi lalampas sa 20 personnel, na kailangan dumaan sa pag-apruba ng Executive Secretary, at alinsunod sa regulasyon ng Civil Service.
237
