BISTADOR ni RUDY SIM
NASAAN ang katarungan kung ang mismong may hawak ng timbangan ng katarungan ay mayroong kinikilingan? Ito ang giit ng concerned Bureau of Immigration employees na sukang-suka na
sa kaliwa’t kanang katiwalian sa ahensya sa pamunuan ng commissioner nito na si Joel Anthony Viado.
Matatandaang isang white paper para sa Pangulo ang kumalat patungkol sa ilang reklamo diumano ng mga kawani ng BI sa patuloy na garapalan at kahina-hinalang mabilisang pagpapakawala sa mga Chinese national na nalambat ng intelligence division sa magkakaibang operasyon sa bansa.
Tila naaabuso umano ang kapangyarihan ng commissioner upang gawing sunod-sunuran ang hepe ng intelligence at maging ang hepe ng legal division para sa agaran at VIP treatment sa mga nahuhuling hawak ng ilang POGO Big Boss.
Mayroon kayang malaking halaga na kapalit ito at sino ang mas mataas na opisyal sa DOJ ang kasapakat ng sindikato sa BI? Maging ang ilang ahente ng intelligence division ay hindi na umano masikmura ang ginagawang pagmamalabis sa kapangyarihan ng ilang opisyales ng ahensya kung saan nabalewala ang kanilang pagod at puyat sa trabaho upang maipatupad lamang ang batas laban sa mga iligal foreign nationals.
Ang pagpapakawala sa 39 dayuhang hinuli noong May 29 sa BGC ay isang big boss umano na nagmamay-ari ng malalaking kompanya sa bansa ang nasa likod nito kaya’t nasilaw ang opisyales ng intelligence maging ang ama mismo ng ahensya kahit na mayroong paglabag sa maling visa ng mga ito ay tila pinirmahan ng mga opisyal ang release order kahit nakapikit.
Nangako si PBBM na kanya pa din paiimbestigahan ang reklamo ng mga empleyado ng BI ngunit tila hindi naisip ng Pangulo kung bakit walang empleyado ang nakapirma sa liham? Bakit nga ba? simple lang Mr. President! kung isasapubliko ba nila ang kanilang pangalan ay kaya mo silang protektahan laban sa makapangyarihang nasa puwesto ngayon?
Upang mapagtakpan ang issue ng katiwalian kay Viado ay tila nililinlang nito ang publiko sa pagpapa-deport sa 67 Chinese nationals na nahuli sa isang scam hub sa Makati noong April 10 at sinipa pabalik ng China kasama ang mga tauhan ng Fugitive Search Unit ng BI.
Commissioner Viado, ang iyong mga tauhan ay halos lahat ay sukang-suka na sa iyong pamunuan na tila hindi mo kaya magpatakbo ng isang ahensya. Wala ka bang pakiramdam o talagang manhid ka Sir? Ang halos lahat ng lumalaban ng patas ay nagtitiis sa maliit na suweldo at dahil sa iyong kapabayaan ay bagsak ang koleksyon ng ahensya kaya’t halos 50% na ang nawala sa augmentation pay ng mga kawani.
Pakapalan na lang ba uso ngayon sa BI at sa DOJ na sinasamantala ninyo ang kabaitan at tiwala na ibinigay sa inyo ng Pangulo?
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
