BISTADOR ni RUDY SIM
NAGPAHAYAG kamakailan si Solicitor General Menardo Guevarra, na kung itutulak ng pamahalaan ang pagkansela sa 1,500 bilang ng mga dayuhang may kinakaharap na kasong fake Filipino, ay maaaring gumastos ang gobyerno ng aabot sa P75 million.
Pero alam kaya ni Guevarra na ito’y isang ugat lamang ng korupsyon sa ating pamahalaan? Kung gagastos ang pamahalaan ng ganitong kalaking salapi ay lingid sa kaalaman ni SolGen Guevarra na tubong lugaw pa ang mga kumag na opisyales ng ating pamahalaan partikular sa Bureau of Immigration, na imbes na itulak ang deportation sa ilang personalidad na may koneksyon sa POGO at nakakuha ng Filipino citizenship gamit ang huwad na dokumento, ay halos pagkakitaan pa ‘di umano ito ngayon.
Bagong taon na pero nagbago na kaya itong isang deputy commissioner ng BI na itatago natin sa pangalang Daniel Laogan, na tibay ng face na lumutang mismo sa warden facility ng ahensya sa Bicutan kung saan ay nakakulong dito ang maraming dayuhan na may kinakaharap na kaso, isa na nga rito ay ang pagiging fake Filipino.
Noong November ng nakaraang taon ay nakunan ng litrato itong si Laogan na dumayo pa mismo sa kulungan kahit wala ito sa kanyang jurisdiction bilang deputy commissioner ng BI, na gawin ito. Ano kaya ang layunin ni Laogan para pag aksayahan ng panahon na bisitahin ang inmates?
Kabilang sa mga PDL na kinausap ni Laogan sa tanggapan ng warden facility sa Bicutan, na may kinakaharap na deportation cases dahil sa pagiging fake Filipino umano, ay sina Myline S. Ng, Lim Dina Lee at isang lalaking si Hui Chi Lam. Kumusta na kaya, Mr. Laogan, ang kaso ng mga ito matapos mong kausapin? Alam kaya ito at may basbas ni Commissioner Joel Viado?
Si Laogan ay dating naging senior adviser ng Filipino Chinese Chambers of Commerce, at dating president ng Chinese Filipino Business Club bago ito naitalagang isa sa deputy commissioners ng BI. Hmm… Alam na this!! Aba at kalakas naman ng loob ni Depcom Laogan, kapapasok pa lamang ng taon ay muli itong nagtungo nitong Sabado sa Bicutan upang kausapin naman ang tatlong Chinese detainees na sina Li Shun Chao, Cheung Wa at Hui Chi Lam… Abay parang at home pa ang kumag na akala mo’y nasa bahay lamang na naka-short pants… Tindi mo!!
Samantala, kung gaano kabilis na pinalaya nang libre ni Vayad-O ang 41 dayuhan na umano’y illegal POGO workers noong nakaraang taon na hinuli ng PAOCC sa Bagac, Bataan, ay ganun din kabagal ang pagproseso ng kanilang deportation kahit iniutos na ni Executive Secretary Lucas Bersamin na i-deport na ang mga ito.
Anyare? Mayroon kaya sa inyo, Mr. Commissioner, ang kumita at nanghihinayang magbalik ng kanilang kinita o sadyang pinalalamig ninyo lamang ang issue habang ginagapang ito sa Palasyo?
Nasaan na ang binitawang salita ni PBBM noon na matapos sumabog ang isyu ng pagpapatakas kay noo’y Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ay mayroong mga ulo ang gugulong sa BI? Bakit si dating Commissioner Norman Tansingco lamang ang nasibak sa ahensya? Hindi ba’t kung ang titingnan ay command responsibility, dapat ay hindi ang dating deputy ni Tansingco ang inilagay sa pwesto? Biktima lang din kaya ng set-up itong si Tan5 upang masolo ng sindikato ang kitaan sa BI?
Kung mayroon magandang ginawa itong si Viado sa BI noong nakaraang taon ay nang sinibak ang warden ng Bicutan na si Catalo at pinalitan ng animo’y uhugin sa ahensya, na sabi pa ng isa nating kaibigan ay napakalinis daw at walang bahid ng katiwalian ang bagong itinalaga bilang bagong warden na si Bechayda, ay bakit January na ngayon hindi pa rin napatigil ang “ICE ROOM” at mini casino sa loob ng kulungan?
Ang ice room umano ang isa sa iligal na pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyales ng Bicutan BI warden facility na pinarerentahan sa mga dayuhang may pera na kayang magbayad ng salapi, upang maging hayahay ang kanilang pamumuhay sa loob ng kulungan. Anyare Commissioner, isa ba ang Bicutan na may tara sa inyo kaya ‘di matigil ang ilegal dito? Magkano?!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
