BI-NAIA OFFICERS BINIGYAN NG PASTILLAS NI DUTERTE

TINABLAN kaya ng kahihiyan ang mga opisyal ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport na umanoy mga miyembro ng tinaguriang “Pastillas Gang” matapos na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang?

Yan ang katanungan ng maraming taga-subaybay ng PUNA.

Kung hindi sila tinablan ng kahihiyan talagang pader na sila sa kapal ng mga mukha.

Sampal sa kanilang lahat na inisa-isa silang pinakuha ng perang nakarolyo sa balat ng pastillas at sinabihan ng Pangulo na isubo nila ito.

Sa pagtitipon ay naroon si ­Secretary Menardo Guevarra na pinuno ng Department of Justice na siyang may superbisyon sa Immigration.

Siya rin ang inatasan ng Pangulo na mamuno sa binuong Mega Task Force na mag-iimbestiga sa mga korap na opisyal ng pamahalaan.

Ramdam ng PUNA ang galit ni Pangulong Duterte sa mga tauhan ng BI na kaniyang hinarap sa Malakanyang.

Malinaw ang banggit ng Pangulo na ang mga nasa gobyerno ay hindi dapat na mapagsamantala kundi katiwa-tiwala. Sabi nga, ‘public office is a public trust.’

Pero ano ang ginawa ng mga sangkot sa kontrobersya ng ­”pastillas” sa NAIA? Puro ­pansariling interes lang ang kanilang ginawa dahil pinayaman lang nila ang kanilang sarili sa katiwalian.

Bakit natin nasabi yan? Kahit na sakupin ng mga dayuhan ang Pilipinas basta kumita sila ng limpak-limpak na salapi sa pamamagitan ng pagtanggap ng Pastillas Money ay wala silang pakialam.

Mantakin mong umabot daw sa 40 bilyong piso ang nakulimbat ng pastillas gang na ito simula ng isagawa nila ang kanilang ilegal na transaksyon sa NAIA?

Kaya para kay Immigration Chief Jaime Morente, mas makabubuti na palitan na ang batas na lumikha para sa pagbuo ng Philippine Immigration.

Umabot na sa 80 taon ang batas na Philippine Immigration Act na napagtibay noon pang 1940 kaya kailangan na daw ito mabago upang masolusyunan din ang kurakutan sa kanilang ahensiya.

Iginiit pa ni Morente na gagawin nila ang lahat para malinis ang kanilang hanay sa iregularidad at sa eskandalong nilikha ng pastillas gang na nagparumi sa imahe ng BI.

Pinagtatanggal na raw nila sa pwesto ang lahat ng sangkot sa pastillas gang. Bunga nito, magpapatupad daw sila ng One Strike Policy sa mga tauhan ng BI para kung sinoman na maaktuhan sa pagnanakaw ay sibak agad sa panunungkulan.

Isusulong din daw nila ang re-organisasyon para magkaroon ng tinatawag na checks and balances sa Immigration.

Magdadagdag daw sila ng mga mata upang i-monitor ng husto ang mga aktibidad lalo na ang nakatalaga sa NAIA.

Sana ay totohanin ito ni Commissioner Morente. Mahiya naman kayo dahil maraming opisina ng ­gobyerno na halos kasing tanda lang din ng BI pero hindi naman ganun kakorap. ­

Sadyang may kalokohan lang talaga ang mga tauhan ninyo.

FYI Commissione, marami pang ilegal na ­aktibidad ang inyong mga tauhan bukod sa Pastillas Gang. Pinagkakakitaan din nila ang mga tripulante ng mga barko na dumadaong sa mga pantalan ng bansa.

Pasubaybayan mo rin ang nanghuhuli ng mga alien, nariyan din ang bayaran para makalaya ang ilang mga nahuhuli.

At kung gusto niyo talagang makahuli ng mga korap ninyong tauhan bumuo kayo ng “intel group” na magbabantay at tutugis sa inyong mga tiwaling tauhan.

Hindi po mareresolba ang ­problema ng katiwalian sa inyong tanggapan kung puro papogi lamang sa pamamagitan ng press release.

Sir, imposible naman po na walang nakakarating na sumbong sa inyo patungkol sa mga kurakutan sa BI?

Hindi natin maiwasan na magduda ang taumbayan sa kredibilidad ni Commissioner Morente, alam ng marami na dati siyang opisyal ng Philippine National Police o PNP.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

173

Related posts

Leave a Comment