PINUPUTAKTE ngayon ng batikos ng netizens sa social media ang inilabas na presidential survey ng Rappler dahil umano’y biased.
Sa inilabas na survey para sa 2022 national at local elections ay kasama sina Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may emoji na amused; Manila Mayor Isko Moreno na thumbs up emoji; Vice President Leni Robredo na heart emoji; Bongbong Marcos na shocked emoji at Manny Pacquiao na may caring emoji.
Nakalagay sa survey na lumalabas na si Robredo ay nakapagtala ng 100,000 hanggang 150,000 online votes na malayo raw ang lamang nito kung ikukumpara kay Bongbong Marcos (BBM).
Pero kung sisilipin sa shocked emoji ni BBM ay nakapagtala siya ng 250 online votes.
At kapag ini-scroll naman ng netizens ang kanilang gadgets pababa ay lumalabas na mas marami ang online votes ni BBM kung ikukumpara kay Robredo.
Duda tuloy ng sambayanang Pilipino na isa namang pananabotahe ito sa kandidatura ni BBM.
Hinala rin nila na dilawan ang nasa likod ng biased survey na ito.
Pinagdududahan din na maaaring “auto likes” ang ginawa sa survey para palabasin na mas maraming online votes si Robredo kay Marcos.
Kaya dismayado ang mga Pinoy sa Rappler sa ginawa nilang survey na walang matibay na basehan.
Nang malaman na marami ang nag-react sa nasabing survey ay agad itong binura sa facebook.
Sa isinasagawang kalye survey ng ilang indibidwal lumalabas na milya-milya ang layo ng boto ni BBM kung ikukumpara kay Robredo.
Bukod sa kalye survey ng ilang individual ay marami rin ang nagsasagawa nito sa online na lumalabas na nangunguna pa rin si BBM kay Robredo.
Kamakailan, bago pa man ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) na nagsimula noong Oktubre 1 hanggang 8, 2021 ay pangalawa sa survey si BBM kay Inday Sara Duterte sa mga presidentiable.
Ngayon dahil hindi na tumuloy si Inday Sara Duterte sa pagtakbo sa pagka-Pangulo ay patuloy na nangunguna at pagdami ng mga supporter ni BBM.
Karamihan kasi ng mga taga-suporta ng mga Duterte ay sumama na kay BBM.
Naniniwala kasi sila na kung ano man ang nasimulan na mga proyekto na iiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay itutuloy ni BBM.
Kaya kahit ano mang ibinabatong masasamang isyu laban kay BBM ay hindi ito nagiging hadlang at lalo pa siyang nangunguna sa mga survey.
Idagdag pa ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Kamakailan lumabas din ang pananabotahe laban kay BBM sa pamamagitan ng emergency alert na ipinadaan sa mga cellphone.
Ang pananabotaheng ito ay itinaon pa sa filing of Certificate of Candidacy (COC) ni BBM noong nakaraang Oktubre 7, 2021 sa Sofitel Hotel, sa Pasay City.
Hindi rin ito umepekto dahil lalo pang naging matunog ang pangalan ni BBM.
Sa kabila ng mga paninirang ito at panglalait sa pamilyang Marcos ay nananatiling kalmado at hindi gumaganti ng masasamang salita ang batang Marcos.
Sa halip ang kanyang panawagan ay magkaisa ang mga Pilipino para labanan ang COVID-19 pandemic.
Kinakailangan din aniya, na magtulungan ang mga Pilipino para agad na makabangon ang bansa sa kahirapan na dala ng COVID-19.
Ayon pa sa batang Marcos, walang ibang magtutulungan kundi ang mga Pilipino dahil ang Pilipinas ay tahanan ng mga Pilipino.
Sinubukan ng PUNA na makuha ang panig ng Rappler sa isyung ito, subalit hindi natin sila makontak.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
190 