SA kabila ng promulgasyong inilabas kamakailan, nananatiling matatag at nakatutok si Mayor Ruffy Biazon sa kanyang mandato bilang Ama ng Lungsod ng Muntinlupa.
Tiniyak ng kampo ng alkalde na mananatili siya sa puwesto at ipagpapatuloy ang mga programa at serbisyong nakalaan para sa mga Muntinlupeño.
“Hindi ito ang katapusan—bagkus, ito ang panimula ng mas pinalalim at mas pinalawak na serbisyo para sa mga tao,” pahayag ng isang opisyal mula sa kanyang team.
Naniniwala rin ang kampo ni Mayor Ruffy na maipapanalo ang natitirang kaso, lalo’t dalawang beses na siyang napawalang-sala sa magkaugnay na mga kasong isinampa noon laban sa kanya.
Patuloy silang maghahain ng legal na remedyo sa ilalim ng umiiral na proseso ng batas.
Bilang patunay ng kanyang dedikasyon, inilunsad ni Mayor Ruffy ang Ride Med—isang libreng sakay na programa para sa mga senior citizen ng lungsod na nangangailangan ng tulong sa pagpunta sa kanilang medical appointments.
Ito ang kauna-unahang programa sa ilalim ng kanyang bagong batch ng people-first initiatives, na layong tugunan ang pangangailangan ng bawat sektor sa komunidad—mula sa mga nakatatanda, kabataan, PWDs, solo parents, hanggang sa mga manggagawa at maliliit na negosyante.
“Ang serbisyo publiko ay hindi dapat napipigil ng hamon o intriga,” ani Mayor Ruffy.
“Ang pangako ko ay mananatiling buo -isang Muntinlupa na may malasakit, may direksyon, at may tunay na pagkalinga sa bawat isa.”
Sa mga susunod na linggo, inaasahan ang sunod-sunod na paglulunsad ng mga bagong proyekto para sa iba’t ibang sektor, patunay na sa Muntinlupa, ang serbisyo ay hindi lang magtutuloy bagkus ito ay aarangkada.
(Danny Bacolod)
