PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
Sa kabila ng sinasabing napakaraming reporma, pagbalasa at pagpapasa ng mga batas na may ipinapataw na napakabigat na parusa, hindi pa rin nababawasan, lalo pa yatang tumitindi at yumayabong ang graft and corruption?
Alam na natin ang sagot dito: Dahil ang mga taong nagpapatupad ng reporma, kung ‘di inutil ay protektor o namumuno sa katiwalian.
At bakit nila ginagawa ito: Iisa rin lamang ang maaaring isipin, sila ay nakikinabang sa umiiral na graft and corruption. Kahit alam nila na mahalay na pakinabang ang natatanggap nila mula sa katiwaliang ito, ang umiiral ay kasakiman sa salapi at impluwensiya.
Kulang sa tapang ang mga opisyal ng pamahalaan na kalabanin ang kabulukan at walang puknat na pagsisinungaling at pagtatakip sa kasamaan dahil umiiral ang matinding inggit at panghihinayang — na kung iiwan nila ang pagtangkilik sa tiwaling pakinabang, sila ay parang nalulugi at mamamatay sa inggit sa mga kasamang sasalo sa pagtatamasa ng bawal na bunga ng katiwalian.
Mga halimbawa repapits, ang mga kongresista na paulit-ulit na nahahalal at nanalo sa eleksyon, ‘di po ba? Sa mga tinanggap at tinatanggap nilang pork barrel na ang terminolohiya o tawag ngayon ay “line-item appropriations” o “budgetary allocation” o “fund insertions” (huwag na ang suweldo), mga perk at iba pang benepisyo, aabot marahil ‘yon sa trilyong piso.
May nakita bang pakinabang para sa sambayanan ang salaping patuloy na itinutustos ng Sambayanang Pilipino sa mga kongresistang ito na sa buwisit ng mga tao ay nagkakasya na lamang sa pagtudyo at paglibak sa pagtawag sa kanila na mga ‘Mambubutas’.
Ang bayan nga ba talaga ang kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran at ipinakikipaglaban?
Maaaring maglahad sila ng kung ano-anong batas na pinagtibay nila sa Kongreso, pero may naidulot bang ginhawa ito sa karaniwang mamamayan partikular mga mahihirap nating mga kababayan.
‘Yang EPIRA law (The Electric Power Industry Reform Act) na sinasabing magpapagaan sa bayarin natin sa mataas na presyo ng kuryente. Sa halip na bumaba ang electric bill natin, napakataas na nito para isumpa na natin ang mga ‘mambubutas’ este mambabatas na nagpasa at nagpatibay nito.
‘Yang Privatization law, ‘yang EVAT (expanded value added tax) at iba pang batas, ang mga ito’y krus na pinapasan nating lahat na mahihirap.
‘Yang Oil Deregulation law at iba pang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis at parusa sa bayan, ang mga ito’y ginastusan ng karaniwang si Mang Juan at si Aling Maria para maging batas.
May mga mambabatas na panay ang pagtuligsa at pagbatikos sa mga kabulukan sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue at marami pang iba pero sinasabihan ba nila ang mga kaibigan nila sa mga ahensyang ito na magbayad ng tamang buwis?
May ilang tao sa gobyerno na ang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig ay nagpapahamak at naglalagay sa paghihirap at panganib sa bayan, ‘di po ba?
***
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin, mahalaga ang mga konkretong hakbang na direktang nararamdaman ng mamamayan. Kaya naman kapansin-pansin ang inisyatiba ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na maghatid ng libreng bigas sa mga pamilyang Manileño, isang simpleng tulong na may malaking epekto sa araw-araw na buhay.
Hindi biro ang gastusin sa pagkain, lalo na para sa mga pamilyang kapos sa kita. Sa ganitong sitwasyon, ang 10 kilo ng bigas bawat buwan sa loob ng anim na buwan ay hindi lamang ayuda, kongkretong sagot ito sa pangangailangan.
Sa bawat butil ng bigas na maihahain sa hapag, may kasamang ginhawa at kapanatagan.
Kapuri-puri rin na ang pondong P286 milyon mula sa pambansang pamahalaan, sa ilalim ng suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naipapamahagi sa paraang may direktang pakinabang sa mga tao.
Ipinakikita nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal at nasyunal na pamahalaan upang tugunan ang hamon ng mataas na presyo ng bilihin.
Isa pang mahalagang aspeto ng programa ang pagbili ng bigas mula sa mga lokal na rice producer. Hindi lamang nito tinutulungan ang mga konsyumer, pinalalakas din nito ang sektor ng agrikultura at kabuhayan ng ating mga magsasaka. Isang malinaw na halimbawa ng programang may malasakit sa magkabilang dulo: mula sa bukid hanggang hapag-kainan.
Sa panahon ng pagsubok, ang mga ganitong hakbang, nagpapaalala na may gobyernong kumikilos at handang umagapay. Hindi man nito agad masolusyunan ang lahat ng problema, nagsisilbi itong mahalagang sandigan para sa mga pamilyang nangangailangan.
Sa huli, higit pa sa tulong ang libreng bigas at simbolo ito ng malasakit, pagkakaisa, at konkretong aksyon para sa kapakanan ng bawat Manileño.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
94 