(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
INIHAIN na kahapon sa Korte Suprema ang petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang 2025 national budget na tinawag na ilegal, labag sa Konstitusyon, at may bahid ng katiwalian.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina Cong. Isidro Ungab, dating executive secretary Atty. Vic D. Rodriguez, at iba pa.
Ani Rodriguez, ang mga senador at kongresistang hindi tumutol sa pagpasa ng kontrobersyal na bicameral report ay naging kasabwat sa umano’y pinakamalaking “money heist” sa kasaysayan ng bansa.
Nauna nang iginiit ni Rodriguez na dapat habulin at papanagutin ang mga nasa likod ng blankong bicameral conference committee report sa 2025 national budget.
Ayon kay Rodriguez, kandidatong senador ngayong midterm election, kailangan may managot sa nasabing usapin dahil maaaring magdusa ang mga Pilipino.
Binanggit niya ang pagbubunyag kamakailan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na naglabas ng mga dokumento kung saan makikitang may mga bakante o “bungi-bungi sa bilyong pisong halaga ng final bicameral conference committee report”.
Binanggit din ni Rodriguez na posibleng maharap sa kriminal na pananagutan ang ilang mambabatas dahil sa mga paglabag sa Revised Penal Code kaugnay ng falsification of legislative documents.
Matatandaang itinanggi ng Malacañang ang mga paratang at tinawag na “kasinungalingan” ang mga pahayag ni Duterte.
Noong isang araw ay inamin na rin ng Kamara na may mga blangko nga sa bicam report gayunman, pinanindigan nilang naaayon ito sa batas.
“The 2025 General Appropriations Act is lawful, valid, and fully enforceable. There are two key points I want to stress for the benefit of all,” ani acting House committee on appropriations chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo.
19