IKINAGULAT ng Department of Justice (DOJ) ang biglaang pagbibitiw sa puwesto ni DOJ Undersecretary Jojo Cadiz sa gitna ng pagkakaugnay ng kanyang pangalan sa kontrobersiyal na flood control anomaly.
Ayon sa DOJ, wala pa silang natatanggap na kahit anong opisyal na pahayag mula kay Cadiz ukol sa kanyang pagkalas matapos itong ianunsyo ni Palace Spokesperson Claire Castro. “I have not received any official communication on this,” pahayag ni DOJ Spokesman Polo Martinez.
Bagama’t ikinalungkot at ikinagulat ang desisyon, umaasa si Martinez na ipaliliwanag ni Cadiz ang tunay na dahilan sa tamang panahon.
Matatandaang binanggit ang pangalan ni Cadiz sa sinasabing kickback scheme sa Ilocos Norte flood control projects, matapos isiwalat ng dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na di umano’y siya ang nagdala ng P200 milyon sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa South Forbes Park noong December 2, 2024.
Hands-off ang DOJ sa imbestigasyon dahil Ombudsman umano ang may hurisdiksyon sa kaso. Kakabalik lamang ni Cadiz mula sa isang linggong official leave noong Nobyembre 21 bago ang biglaang pagbibitiw na hindi rin ipinaliwanag ang dahilan.
(JULIET PACOT)
3
