ITINALAGA bilang bagong Deputy Chief for Administration si Police Lt. Gen. Bernard Mollanida Banac—ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa pambansang pulisya—epektibo kahapon, Agosto 6.
Si Banac ay beteranong opisyal na nagsilbing tagapagsalita ng PNP noong panahon ni dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde at kalaunan ay naging director for Plans, director ng PNP Training Service, at director ng Police Regional Office 8.
Kilala si Banac sa loob ng organisasyon bilang propesyonal, may malawak na karanasan, at hindi nasasangkot sa pamumulitika—kaya’t tanggap ng marami ang kanyang pagtaas sa pwesto.
Kasabay nito, inilipat si Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. bilang commander ng Area Police Command sa Western Mindanao. Bagama’t hindi ito tinawag na demotion, itinuturing ito ng marami bilang paglalagay sa kanya sa isang malayong lugar na malayo sa desisyong pambansa at kapangyarihan ng Camp Crame.
Nag-ugat umano ang rigodon sa mga kumalat na tsismis mula sa kampo ni Nartatez na siya na ang papalit kay Gen. Nicolas Torre III pagsapit ng Marso 2026.
Ayon sa mga impormante, si Nartatez ang sinasabing “manok” ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa pagka-Chief PNP. Ngunit ang katotohanan, ayon sa mga opisyal sa loob ng PNP ay kapwa hindi popular sa organisasyon sina Nartatez at Remulla.
Kilala umanong istrikto si Nartatez at kulang sa malasakit sa kapwa pulis. Wala rin siyang matibay na track record na maipagmamalaki, at ang kanyang pagtaas sa mga sensitibong posisyon—gaya ng pagiging direktor ng Region 4-A, NCRPO, at Deputy Chief—ay itinuturong ng ilan na bunga ng pamumulitika at hindi ng merito.
(JOEL O. AMONGO)
209 