PASOK si Filipino gymnast Carlos Yulo sa final Tokyo Olympics vault apparatus event nang mapasama sa top eight, Sabado ng gabi sa Ariake Gymnastics Center.
Nag-average ng 14.712 si Yulo sa dalawang vaults niya, una ay Kasamatsu double full para sa 14.766 at Dragulescu vault para sa 14.658 scores.
Nabigo naman siya sa paborito niyang floor exercise na nagpanalo sa kanya ng gintong medalya sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships noong 2019.
Umiskor si Yulo ng 14.000 sa still rings (24th), 13.466 sa parallel bars (55th), 12.300 sa horizontal bar (63rd), at 11.833 (69th) pommel horse para sa grand total 79.877, o ranked 47th overall.
Tanging top 24 ranking ang umusad sa all-around final.
VALDEZ, SABLAY
HINDI nakausad si Jayson Valdez sa final round ng men’s 10-meter air rifle sa Tokyo Olympic Games sa Asaka Shooting Range.
Ang Pinoy bet ay tumapos lamang sa ika-44 sa 47 shooters sa iskor na 612.6 points matapos ang six series (10 shots).
Tanging ang top eighth ang aabante sa final round.
Nagtala si Yang Haoran ng China ng Qualification Olympic Record na 632.7 points.
Makakasama niya sa susunod na round sina Lucas Kozeniesky ng United States, William Shaner of United States, Patrik Jany of Slovakia, at Omer Akgun of Turkey.
Kasama rin sa top eight sina Vladimir Maslennikov ng Russian Olympic Committee, Istvan Peni ng Hungary at Sheng Lihao ng China.
Si Valdez, 25, nakakuha ng slot sa Tokyo Games ilang linggo lang bago ang kompetisyon, matapos makatanggap ng Olympic quota place. (VT ROMANO)
162 