CAVITE – Patay ang isang 79-anyos na lola makaraang mabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kalsada sa dis-oras ng gabi bagama’t may ipinatutupad na curfew sa Dasmarinas City sa lalawigang ito.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimamg si Elizabeth Angeles ng Paliparan 2, Dasmarinas City, habang nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan sa nasabi ring lungsod, ang driver ng motorsiklo na si Jomar Carangian, 27, ng Block 9, Lot 7, San Lorenzo 2, Dasmarinas City.
Sa ulat ni Pat. Norman Guerra ng Dasmarinas City Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-9:00 noong Lunes ng gabi habang minamaneho ng suspek ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang Molino-Paliparan Road patungo sa direksiyon ng GMA.
Pagsapit sa nasabing lugar, hindi napansin ng suspek ang pagtawid ng biktima na nagresulta upang mabangga niya ito. Agad nalagutan ng hininga sa insidente ang biktima.
Bunsod ng pagkakabangga, lumihis ang motorsiklo ng suspek at tumama sa isang bangketa na nagresulta sa kanyang pagkakasugat. (SIGFRED ADSUARA)
202 