(BERNARD TAGUINOD)
INILARAWAN bilang pang-iinsulto sa hanay ng mga manggagawa ang dagdag-sahod na P50 sa National Capital Region (NCR) na inanunsyo ng Department of Labor and Employment kamakalawa.
Para kay dating Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, walang kwenta ang singkwenta.
Maituturing aniya itong pang-iinsulto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga manggagawa lalo na’t wala itong ginagawa para maampat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Ang singkwenta ay walang kwenta sa nagtataasang presyo ng bilihin at sunod-sunod na oil price hike. Ang mumong P50 na ito ay pampalubag-loob matapos patayin ng gobyerno ang legislated wage hike. Hindi ito sapat. Hindi ito makatao,” ayon pa kay Brosas.
Dahil sa nasabing umento, magiging P695 na ang arawang minimum wage sa NCR mula sa dating P645 habang ang agricultural workers ay magiging P658 mula sa dating P608.
Ipatutupad ang umentong ito simula sa July 18 na ayon kay Brosas ay malayo sa P200 na ipinagkait ng gobyerno sa pamamagitan ng Senado sa mga manggagawa sa buong bansa.
“Ang kailangan natin ay signipikanteng dagdag-sahod, hindi pa-pogi o token increase. Sa kabila ng baryang dagdag-sahod na ito, patuloy tayong nakikiisa sa laban para sa nakabubuhay na sahod para sa lahat,” Brosas.
Sinabi ng dating mambabatas na kailangang sumahod ng P1,200 kada araw ang lahat ng minimum wage earners sa buong bansa para magkaroon ng dignidad at seguridad subalit patuloy itong ipinagkakait ng gobyerno.
Samantala, kabilang ang pagbuhay sa P200 across the board wage increase sa inihaing panukala sa Kamara kasabay ng pagbubukas ng 20th Congress bagama’t sa July 28, 2025 pa pormal na magsisimula ang kanilang sesyon.
Sinabi naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara na mas madaling maipapasa ang nasabing panukala ngayong 20th Congress dahil ipinasa na ito noong 19th Congress.
“Kung before bukas tayo sa pakikipag-usap natin sa kanila (Senado) mas magiging bukas tayo sa pakikipag-usap sa kanila ngayon lalong-lalo na nakita natin, from 19th Congress, may naipasa na eh, from both Houses. Mas papalakasin natin ang relasyon ng both Houses para masiguro na ang ganitong measures ay mas mataas ang tsansa na maipasa at maging batas,” ani Abante.
Kulang ang P50
Kulang ang inaprubahang P50 na dagdag sahod sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito naman ang iginiit ni Senador Christopher Bong Go kasabay ng panawagan ng agarang pagtugon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na patuloy na nagpapahirap sa mga ordinaryong manggagawa.
Muli ring iginiit ni Go na napapanahon nang isabatas ang panukalang P100 legislated wage hike na kasama sa priority bills na kanyang inihain sa unang araw ng 20th Congress.
Iginiit ng senador na bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga kaya dapat taasan na ang sahod.
Panawagan din ni Go sa mga kapwa mambabatas na agad nang ipasa ang panukala upang maramdaman ng tao ang tulong sa kanila ng gobyerno.
Nangako ang senador na susuportahan ang wage hike at mga pro-poor program na dapat ang mga ordinaryong Pilipino ang makikinabang.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
