NILINAW kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na unverified at hindi validated ang pinakakalat sa social media na mass resignation sa hanay ng mga sundalo bilang suporta sa inarestong dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, “We urge everyone to exercise critical discernment and avoid spreading unconfirmed information”.
“Maging mapanuri at responsable sa pagkuha at pagpapalaganap ng impormasyon, lalo na sa mga isyung maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak.”
Binigyang-diin ng tagapagsalita na ang Hukbong Sandatahan ay nananatiling propesyonal at tapat sa chain of command ng buong organisasyon ng militar sa gitna ng mga kaganapan, partikular na sa pag-aresto kay dating pangulong Duterte.
Ayon naman kay Lieutenant General Roy Galido, hepe ng Philippine Army (PA), ang role nila ngayon sa internal security ay suportahan ang Philippine National Police (PNP) at tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nila ngayon sa pambansang pulisya.
Tiniyak ni Galido na walang usap-usapan ng kudeta o pag-aaklas sa hanay nila kaya hindi kailangan na magsagawa ng loyalty check sa buong organisasyon.
Magkakagulo?
Kumpiyansa naman ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi mauuwi sa kaguluhan ang pag-aresto kay Duterte na ngayon ay nakakulong na sa The Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison sa Netherlands.
Binigyang-diin ito ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, matapos manawagan ang mga kaalyado ni Duterte partikular na si dating presidential spokesman Harry Roque na nagtawag umano ng pag-aaklas laban sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“He’d been trying to do this to the Marcos administration, sa government for almost two years na, ‘di ba. Naalala natin ‘yung press ah ‘yung video na ito ang kasamaan laban sa kadiliman,” ayon sa mambabatas.
Gayunpaman, wala aniyang tumugon sa panawagan ni Roque dahil alam ng publiko na tama ang ginagawa ng gobyerno at ngayon ay muling nanawagan ang dating opisyal sa kanyang kapwa vloggers at mga nagmamahal sa mga Duterte na magtungo na sa Edsa. (JESSE KABEL RUIZ/PRIMITIVO MAKILING)
