CAVITE – Nagbigti ang isang 32-anyos na construction worker dahil sa umano’y naririnig na mga bulong sa Bacoor City noong Lunes ng hapon.
Hinihinalang may ilang oras nang patay nang matagpuan habang nakabigti ang biktimang si Joar Dequina, binata, residente ng Nazareth compound, Brgy. Molino 3, Bacoor City, sa comfort ng barracks ng Crown Asia sa Meadows 1 Extension, Camella, Springville, Brgy. Molino 4, Bacoor City, ng kanyang nakababatang kapatid na si Jomar dakong alas-2:30 ng hapon noong Lunes.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Albert Badocdoc ng Bacoor City Police, pinuntahan ni Jomar ang kanyang nakatatandang kapatid upang hatiran ng pagkain sa barracks ng Crown Asia kung saan ito tumutuloy.
Pagdating sa lugar, napansin nito na sarado ang mga bintana at pintuan dahilan upang pwersahang buksan at nagulantang nang makita ang kapatid sa comfort room na nakabitin gamit ang water hose.
Ayon kay Badocdoc, ang biktima ay dating nagtatrabaho bilang construction worker sa Crown Asia subalit tinanggal umano dahil natuklasang may sakit sa pag-iisip at kapag sinusumpong ay inaaway ang mga kapwa trabahador.
“Pero kahit tinanggal siya sa trabaho ay pinayagan siyang tumira sa barracks ng Crown Asia dahil pag nasa bahay umano nila ay hindi siya nakakatulog dahil may mga bumubulong sa kanya,” ayon kay Badocdoc.
Dagdag pa ni Badocdoc, sinabi ng mga kamag-anak na dating gumagamit ng shabu ang biktima. (SIGFRED ADSUARA)
