NABIGO umano ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na makolekta ang may P27 bilyon mula sa mga tax delinquent dulot ng pandemyang COVID-19, kaya palalawigan na lamang ng Kongreso ang Tax Amnesty Law.
Sa virtual hearing ng House committee on ways and means, inaprubahan ang mga panukalang batas na palawigin ng dalawang (2) taon ang Republic Act (RA) 11213 o ang 2019 Tax Amnesty Act dahil P4.7 bilyon pa lamang ang nakolekta sa target na P27 bilyon.
Binigyan lamang ng dalawang taon na buhay ang nasabing batas na nagsimula noong nakaraang taon subalit dahil nagkaroon ng pandemya mula noong Marso 2020 ay malabo umanong makolekta ang buong P27 billion.
“For the tax amnesty on delinquencies, the total collection from 2019 until June of 2020 is P3.403 billion. And then for estate tax amnesty, it’s P1.362 billion, for a total of P4.765 billion. And the total availers 23,911 for both,” ani BIR Assistant Secretary Elenita Quimosing.
Ayon kay Quimosing, ang target na kokolektahin sa estate tax na itinakda ng Department of Finance (DOF) ay P6 billion habang P21 billion sa tax amnesty sa mga delinquent.
“The more then that we will support this particular bill,” ayon naman kay Baguio City Rep. Mark Go kaya inaprubahan ang nasabing panukala na inakda ng mag-asawang House majority leader Martin Romualdez at Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.
Dahil dito, bibigyan ng dalawa pang taon o hanggang 2022 ang mga tax delinquent na magbayad ng buwis kapalit ng kondisyon na hindi na kakasuhan ang mga ito. (BERNARD TAGUINOD)
176 