HALOS tatlong taon na mula nang nagsimula ang pandemyang COVID-19 at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mutation nito. Sa Pilipinas, nananatili sa mababang numero ang bilang ng mga bagong kaso kada araw kaya naman patuloy ang pagbabalik sa normal ng takbo ng buhay. Tila natuto na ang mga Pilipino na mamuhay nang normal sa kabila ng pananatili ng virus.
Noong huling bahagi ng taong 2022, nagsimulang umugong ang mga balitang magsisimulang pumasok sa bansa ang mga 2nd-generation COVID-19 vaccine o mga bivalent vaccine sa taong 2023. Marami ang nasasabik dahil ito ay mabisang panlaban sa orihinal na virus ng COVID-19 at sa Omicron variant, ang dominanteng strain ng COVID-19 sa mundo.
Buti na lamang at agad nagdesisyon ang Department of Health (DOH) na kumuha ng mga naturang bakuna dahil talagang makatutulong ito upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng “surge” o biglaang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Kapag tumaas na naman ito, tiyak na apektado na naman ang ating ekonomiya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagkalat ng pinakabagong subvariant ng Omicron, ang XBB.1.5. Ito ang dominanteng strain sa ibang bahagi ng US. Una itong na-diskubre sa India noong Setyembre 2022 at mabilis na kumalat sa anim na iba pang bansa. Sa madaling salita, mas mabilis pa itong kumalat kumpara sa orihinal na Omicron variant at ang bagong bivalent vaccine ang natukoy na epektibong panlaban dito.
Bagaman wala pa namang naitalang kaso ng XBB.1.5 sa Pilipinas, nagiging mapagmatyag naman ang pamahalaan sa posibleng pagpasok nito sa bansa. Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM), batay sa kanyang mga pahayag, ay nagbabantay sa kapasidad ng mga ospital.
Ayon naman sa DOH, inaasahang kinalaunan ay makapapasok din sa bansa ang nasabing Omicron strain kaya’t patuloy ang paghihikayat ng ahensya sa mga mamamayan na patuloy sundin ang mga health protocol na ipinatutupad sa bansa at magpabakuna laban sa COVID-19. Mahalagang ang bawat mamamayan ay nananatiling maingat upang hindi maging mabilis ang pagkalat ng XBB.1.5 sakaling makapasok ito sa bansa.
Kaunting paghihintay na lamang at darating na sa bansa ang unang batch ng bivalent vaccines na donasyon ng COVAX Facility. Tinatayang isang milyong Pfizer vaccine ang darating sa bansa bago magtapos ang buwan ng Marso.
Ayon kay DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, kasalukuyan din silang nakikipag-ugnayan sa ibang bansa na nag-alok ng donasyon ng nasabing bakuna. Isang bansa na ang magkumpirma ng donasyon at pinag-uusapan na lamang ang petsa kung kailan ito ipadadala sa bansa. Hindi mapangalanan ang nasabing bansa hangga’t hindi pa natatapos ang negosasyon. Nakikipag-ugnayan din ang DOH sa Moderna at Pfizer para makakuha ng bivalent vaccines.
Nawa’y dumating na ang mga bivalent vaccine sa lalong madaling panahon habang wala pa ang XBB.1.5 sa bansa. Nawa’y makiisa ang lahat sa pagpapatuloy ng laban kontra COVID-19 hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa bansa. Nakita na natin kung ano ang mga maaaring mangyari kapag tumataas ang bilang ng kaso sa bansa kaya’t sana’y magsilbing aral ito sa atin. Ang pag-iingat sa sarili ay katumbas ng pag-iingat sa kapwa at sa bansa.
328