BIYAHERO PINAYUHAN NG DOH NA MAG-INGAT AT MAGPABAKUNA LABAN SA ‘SUPER FLU’

HINDI na naaalarma ang Department of Health (DOH) sa mga ulat hinggil sa umano’y “super flu” na kumakalat sa ilang bansa, subalit pinayuhan ang mga Pilipinong bumibiyahe sa abroad na maging maingat at magpabakuna laban sa trangkaso.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nakapagtala ang Pilipinas ng 17 kaso ng bagong flu variant noong nakaraang taon, ngunit lahat ng pasyente ay gumaling.

“We’ve actually detected about July, August, about 17 cases that were determined to be of the new subclass of the super flu. All of them have recovered,” ani Herbosa sa isang press briefing sa Malakanyang.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang influenza ay nananatiling seasonal at generally self-limiting illness, maliban na lamang sa mga high-risk individuals gaya ng matatanda, immunocompromised, at may mga umiiral na karamdaman.

“Flu is a seasonal infectious disease,” ani Herbosa, sabay paalala na ang mas malulubhang kaso ay mas karaniwan sa mga may mahinang resistensya.

Ayon pa sa kanya, mas lumala ang flu outbreaks sa Estados Unidos at United Kingdom dahil sa matinding lamig ng winter season, na nakapag-aambag sa mas mataas na transmission at mas seryosong sintomas.

“Matindi, malamig na malamig kasi doon ngayon,” paliwanag ng kalihim.

Sa Pilipinas naman, sinabi ni Herbosa na ang flu season ay karaniwang tuwing tag-ulan.

“Our flu season actually is during the rainy season,” dagdag niya.

Patuloy namang inirerekomenda ng DOH ang flu vaccination, lalo na para sa high-risk groups, gamit ang Southern Hemisphere influenza vaccine, na nagbibigay-proteksyon laban sa iba’t ibang uri ng influenza A strains.

“As long as makapagpa-vaccinate iyong high-risk,” ayon kay Herbosa.

Natukoy aniya ang 17 kaso matapos suriin ng DOH ang disease surveillance data kasunod ng mga ulat mula sa ibang bansa, at lumalabas na ang mga ito ay naitala sa Metro Manila.

“When that was announced by the US, we found out that in our surveillance lumalabas na pala iyon,” aniya.

Tiniyak naman ng kalihim na hindi nakaaalarma ang sitwasyon sa bansa, ngunit nagbabala sa mga Pilipinong magbibiyahe sa malamig na lugar.

“Not alarming, but there is a new variant out there. If you’re going to North America or the UK, maybe get the Northern Hemisphere vaccine,” ani Herbosa.

Patuloy ang DOH sa mahigpit na pagmo-monitor sa influenza trends sa pamamagitan ng surveillance systems nito bilang bahagi ng regular na paghahanda sa kalusugan ng publiko.

(CHRISTIAN DALE)

86

Related posts

Leave a Comment