BOC, DIGITAL TRANSFORMATION PARTNER NA NG DICT

OPISYAL na lumagda ang Bureau of Customs (BOC) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT), noong Hunyo 15, 2023, ng isang Memorandum of Understanding (MOU) upang palakasin ang kanilang pagtutulungan at trabaho patungo sa  sabay-sabay at maayos na koordinasyon ng information and communication technology (ICT) system.
Layunin ng partnership na isulong ang pagsasama, pakiki­pagtulungan at pagkakabit ng kanilang systems at applications.
Sa ilalim ng MOU, ang DICT, bilang pangunahing entidad para sa ICT development sa Executive Branch, ang mag-a-assess at mag-e-evaluate ng kasaluku­yang mga aplikasyon at systems ng BOC.
Sila ay gagawa ng mga rekomendasyon at mga estratehiya para sa pagpapaganda ng ICT system, bumuo ng ka­ragdagang mga aplikasyon kung kinakailangan, at siguraduhing maayos ang pagsasama.
Ang BOC ay magsisilbi bilang digital transformation partner ng DICT, magbibigay ng panuntunan at suporta sa pakikipagtulungan.
Magbibigay rin sila ng kaugnay na impormasyon at data para mapadali ang mga layunin na nakabalangkas sa MOU.
Kaugnay nito, ang dalawang ahensiya ay nangako na susunod sa kasalukuyang mga batas at mga regulasyon, kasama na ang tungkol sa pagkuha ng budget at mga proseso ng accounting.
Bukod dito, kinakailangang ang mga hakbang sa seguridad ang iprayoridad para sa kaligtasan ng implementasyon ng programa.
Sa signing ceremony, nagpahayag naman ng pasasalamat si BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio DICT, partikular sa mga kinatawan nito na sina Secretary Ivan John Uy, Undersecretary David Almirol, Jr., at Undersecretary Paul Joseph Mercado, para sa kanilang mga pagsisikap sa pagpapatakbo ng mga ahensya ng gobyerno upang maihatid ang pinabuting mga serbisyo publiko.
Binigyang-diin pa ni Commissioner Rubio ang pangako ng BOC para sa pagyakap sa digitalization at mga oportunidad na hatid ng Digital Age.
Ang digitalizing processes ay isa sa pangunahing prayoridad para sa matagumpay na paghahatid ng mga serbisyo sa BOC. Kinilala rin niya ang kaha­lagahan ng digital transformation sa pagpapabuti ng kahusayan at paglikha nang walang kapantay na karanasan para sa mga tao at mga negosyo.
Ang paglalagda sa MOU sa pagitan ng BOC at DICT ay nagmamarka ng isang milestone sa kasalukuyang digital transformation journey ng gobyerno ng Pilipinas.
(JOEL O. AMONGO)
184

Related posts

Leave a Comment