MULING nagpalabas ng advisory ang Bureau of Customs (BOC) matapos na makatanggap sila ng mga ulat kaugnay sa fake accounts na gumagamit ng mga pangalan at litrato ng mga empleyado nila.
Ang pekeng accounts ay naglalaman ng maling impormasyon laban sa ahensiya at kanilang mga opisyal at mga tauhan.
Kaugnay nito, nagbabala ang bureau sa lahat ng ‘unscrupulous individuals’ at mariing kinokondena ang mga ganitong gawain na pagsalakay sa ‘privacy’ at nambibiktima ng mga inosenteng tao.
Anila, may naaangkop na multa at kaso na ang maaaring isampa laban sa mga identity theft dahil sa paglabag sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Kasabay nito, hinikayat ng BOC ang publiko na i-report ang katulad nitong mga insidente sa pamamagitan sa BOC hotline # 8705-6000 o ang BOC official social media accounts: FB: @BureauOfCustomsPH, IG: @customs.ph Twitter: @customs.ph, Viber: @Bureau of Customs PH, Email: boc.cares@customs.gov.ph.
Layunin ng BOC sa kanilang inilabas na babala o advisory na hindi na makapambiktima ng mamamayan ang mapagsamantalang mga tao na walang inisip kundi ang makapandaya sa iba.
Pinayuhan din ng BOC ang publiko na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga awtoridad o sa BOC hotline sakaling makaranas ng ganitong insidente.
(BOY ANACTA)
360 