BOC-NAIA BORDER CONTROL VS. DROGA, APRUB SA PDEA

boc

HINDI matatawaran ang kontribusyon ng Bureau of Customs (BOC) sa kampanya kontra droga ng administrasyon Duterte, ayon mismo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)
kasabay ng paggagawad ng pagkilala sa pina­igting na border control sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Partikular na tinukoy ng PDEA ang Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Group (NAIA-IADITG) na anila’y nasa likod ng mga matagumpay na operasyong nagbigay daan sa pagsabat ng P122-milyong halaga ng iba’t ibang klaseng droga sa 57 magkakahiwalay na pagkakataon mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraan taon.

Sa isang pagtitipon ka­makailan, inilatag din ng PDEA ang planong pagpapatibay ng kanilang ugnayan sa 17 pasilidad na saklaw ng kawanihang nangangasiwa sa pumapasok at lumalabas na kargamento sa bansa sa hangaring tuldukan ang pagpasok ng drogang ikinukubli sa mga kalakal na inaangkat pa mula sa ibang bansa.

Bukod sa BOC-NAIA, ginawaran din ng pagkilala ang iba pang mga opisyal at kawaning nagsakripisyo sa layuning gapiin ang salot na droga.

Sa tala ng PDEA, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasasabat na droga sa NAIA mula 2019 bunsod ng mas mataas na antas ng sigasig ng BOC. Katunayan anila, mula sa 31 drug-related drug bust ng BOC noong 2019, umakyat ito sa 43 noong 2020 at pumalo pa sa 57 anti-illegal drugs operation noong 2021.
Sa mga naturang operasyon, patong-patong na asunto ang inihain sa husgado

laban sa mga nakatalang consignees, importers at maging sa hanay ng mga customs brokers at ilang tiwaling opis­yal at kawaning sinampahan ng mga kasong administratibo.

Tugon naman ng kawanihan, mas ibayong pagsisikap pa ang kanilang ibubuhos upang tiyaking masasawata ang bawat tangkang pagpuslit ng droga ng mga sindikato.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon sina PDEA-NCR Director Christian Frivaldo, Gerald Javier na tumatayong NAIA-IADITG De­puty Task Group Commander at mga kinatawan mula sa Manila International Airport Authority, US Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation (NBI).

Pagtitiyak ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, higit na sigasig pa sa hanay ng mga kawani ng BOC ang masisilayan sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga, smugglers at katiwalian sa nasabing ahensya.
(JOEL AMONGO)

356

Related posts

Leave a Comment