(Ni JOEL O. AMONGO)
Nakiisa ang Bureau of Customs-Sub-Port of Palawan sa isinagawang limang araw na PR crisis management course para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinangunahan ng mga kinatawan mula sa Estados Unidos ang naturang PR crisis seminar workshop na isinagawa sa Palawan noong nakaraang Mayo 24, 2019.
Layunin ng US Funded Strategic Communications Course na magkaroon ng malawak na kaalaman ang writers at media handlers para sa gobyerno.
Layunin din ng kursong ito na makabuo ng internal PR and communications network ang mga ahensya ng gobyerno para sa kani-kanilang media campaigns pagdating sa kanilang internal and external publics.
Binigyang diin ng workshop ang pagbuo ng mga writer at speakers na siyang magbibigay ng kaalaman sa media sa kani-kanilang opisina.
Iba’t ibang modules ang itinuro sa naturang workshop na kinabibilangan ng mga basic news story development, handling and responding to interviews and PR crisis at iba pa.
“This course is really of great help to our work, we are planning of cascading this training to all our local information officers nationwide,” ayon kay Leny Abaño, Chief, Public Information and Assistance Division, isa sa mga dumalo sa nasabing seminar-workshop.
Mga public relations experts mula sa US ang nanguna sa workshop na kasalukuyang nasa Pilipinas upang iestablisa ang internal network ng mga writer at speakers na maging bihasa sa paghawak ng media publicity and PR crisis management.
Kabilang sa nangunguna sa workshop sina Professors Douglas Imler at Frank De Leon, pawang respetadong PR professionals mula sa US na kasalukuyang nasa Puerto Princesa City, Palawan.
Dumalo bilang kinatawan ng BOC si Collector Alpha Grace Castro, ng Sub-Port of Palawan.
Bukod sa BOC, nakiisa rin ang Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration and Deportation (BID), National Coast Watch Center, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Maritime Authority (PMA) at ang Philippine Navy (PN).
