HINILING ni Senate committee on public order and dangerous drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na maglunsad ng manhunt operation laban sa isa anyang bodegero ng shabu ng mga umano’y drug lord sa Sablayan Municipal Jail sa Mindoro Occidental.
Sa pagdinig ng komite, ibinunyag ng senador na isang Yie Ken Shie, alyas Mike Sy ang nagpahatid ng impormasyon sa kanya na handa itong makipagtulungan sa imbestigasyon dahil lumilitaw na siya ang number 1 shabu king sa bansa.
Sinabi ni dela Rosa na sa pahayag ni Sy, hindi siya ang number 1 shabu king kundi may iba pang mga taong sangkot sa droga.
Gayunman, umatras anya sa pagtestigo si Sy nang tawagan ng kanyang handler at sinabihang ‘wag nang humarap sa pagdinig.
Samantala, ni-lift na ng komite ang contempt charges laban kina PMsg Carlo Bayeta, Pat Hassan Bugarin, Pat Hassan Kalaw, Pat Hustin Peter Gular, Pat Romman Bugarin at Pat Dennis Carolino gayundin kay PLt Jonathan Sosongco.
Ito ay nang aminin na ni Sosongco na hindi kasama sa pag-aresto kay Mayo ang limang pulis.
Sa unang bahagi ng pagdinig, idinetalye ni dating PNP Drug Enforcement Group head, Police Brig. Gen. Narciso Domingo ang kanilang operasyon kaugnay sa 990 kilos ng shabu na nasabat kay dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Sinabi ni dela Rosa, posibleng nakonsensya si Domingo matapos siyang lumuhod noong nakaraang hearing kaya siya nilapitan at tiniyak na sasabihin ang lahat ng kanyang nalalaman sa operasyon.
Sa salaysay ni Domingo, nag-umpisa ang operasyon sa pagkakaaresto kay Mayo matapos masabat sa kanya ang dalawang kilo ng shabu bago nasundan ng raid sa WPD Lending Company Building kung saan naman nasabat ang 990 kilos ng shabu.
Sa kanyang pahayag, itinuro ni Domingo sina Police Lt Col. Glenn Gonzales at PLt Col. Arnulfo Ibanez na silang may hawak sa informant para maisagawa ang operasyon subalit tumanggi silang iturnover sa PDEA ang impormante.
Naging kapuna-puna naman sa palitan ng sagot ng mga pulis na nais nilang kunin ang P2 milyong reward nang hindi naman nila inilulutang ang kanilang impormante. (DANG SAMSON-GARCIA)
