BOOSTER SHOTS

HINDI ko masisisi ang medical frontliners na mag-demand ng branded na COVID-19 vaccines para sa kanilang booster shot lalo na’t karamihan sa kanila ay naturukan ng Sinovac na gawang China.

Wala sa listahan ng mga medical frontliner ang Sinovac na pinakamarami sa binili ng Inter-agency task force (IATF) para sa kanilang booster shot na indikasyon na ayaw nila ang gawang China.

Gusto nila gawang Amerika ang vaccines na ituturok sa kanila sa ikatlong pagkakataon dahil hindi lingid sa kaalaman nating lahat, na marami sa mga tinurukan ng Sinovac ay nagkaroon pa rin ng COVID.

Ngayon ibinida na naman sa mga medical journal na epektibo raw para sa third shot ang Sinovac kaya baka ito na naman ang ituturok sa mga fully ­vaccinated na, lalo na’t dumarami na naman ang supply nito na dumarating sa ating bansa.

Kahit ayaw isiwalat ng gobyerno, alam naman natin na mas marami silang inorder na Sinovac kesa sa ibang brand kaya malamang ito ang ipipilit sa atin na iturok para sa ating booster shot.

Baka naman sa pagkakataong ito, igalang ng gobyerno ang kagustuhan ng mga tao lalo na ‘yung ayaw sa China made vaccines dahil buhay nila ang nakataya rito at hindi ang buhay ng mga nagpapatupad ng polisiya.

Dati medyo naintindihan ko ang sinasabi ng gobyerno lalo wala tayong karapatang mamili ng bakuna dahil noong panahon ‘yun, limitado ang supply kaya kung ano ang nasa harap natin, tanggapin na lang natin.

Pero ngayong hindi na mahigpit ang supply at dumarating na ang mga inorder na ibang brand, baka naman puwede nang mamili ang mga tao kung anong bakuna ang gusto nila.

Dapat igalang ng ­gobyerno sa pagkakataong ito, ang kagustuhan ng mga tao lalo na ang mga medical frontliner na nakataya ang kanilang sariling kaligtasan sa pagganap sa kanilang tungkulin na iligtas ang buhay ng mga pasyente.

Pero habang aprubado na ang pag-booster sa mga fully vaccinated na, dapat din sigurong bilisan ang pagbabakuna sa mga tao sa labas ng National Capital Region (NCR).

Naglalaro lang sa 31% hanggang 35% ang mga mamamayan sa bawat rehiyon ang nabakunahan at ang sinisisi ay ang kakulangan ng supply na ­ibinibigay sa kanila ng national government.

Kahit makamit ng NCR ang herd immunity, hindi pa rin sisigla ang ekonomiya ng bansa kung mapababayaan ang mamamayan sa lahat ng rehiyon sa bansa pagdating sa supply at bilang ng mga nabakunahan.

Nakadepende pa rin kahit papaano ang NCR sa mga probinsya na pinanggagalingan ng kanilang mga konsumo lalo na ang pagkain at mula rin sa mga probinsya ang kanilang mga workforce.

Kailangang sabay ang pagbangon ng NCR at mga rehiyon. Walang dapat maiwan kahit maliit na lalawigan dahil walang silbi ang sinasabing “sabay na babangon” kung iiwanan ng NCR ang mga lalawigan.

Hindi porke nasa NCR ang buhay ng mga tao, ang mga malalaking negosyo, ang malaking bulto ng consumers, tandaan natin, sa mga lalawigan galing ang kanilang mga kailangan.

115

Related posts

Leave a Comment