HINDI dapat maging balakid ang limitadong galaw ng mga residente ng Metro Manila sa pagbabakuna kontra COVID-19, partikular sa pagtuturok ng booster shots para sa karagdagang proteksyon sa gitna ng peligrong dala ng mas nakakahawang Omicron variant.
Ang solusyon ni Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor, mobile booster teams na iikot sa mga komunidad na sakop ng National Capital Region (NCR) para sa pinaigting na turukang dadalhin sa mga pamilihang bayan – kung hindi man kayang ibahay-bahay.
Aniya, ang pagtatalaga ng mobile booster team ang pinakamainam na paraan upang hindi maantala ang programa ng pamahalaang nagsusulong ng malawakang bakunahan.
“We have to bring booster services closer to the people to overcome the tsunami of infections and hold back more hospitalizations and deaths,” ani Defensor kasabay ng patutsada sa usad-pagong na programa sa kalusugan – partikular sa Quezon City kung saan niya target maging alkalde.
“In Quezon City, for instance, many residents have not received their boosters because of the local government’s flawed strategy of merely asking people to gather at pre-designated vaccination sites,” aniya pa.
Bilang solusyon, dapat umanong magtalaga ang bawat local government unit (LGU) sa Metro Manila ng isa o higit pang mobile booster team na iikot sa mga pamayanan, pamilihang bayan at iba pang karaniwang dinadagsa ng mga mamamayan.
Sa kaso aniya ng mga vendors sa Quezon City, mawawalan sila ng kita kapag hindi nag titinda ng isang araw para makakuha ng booster shot kaya ang solusyon aniya dito ay puntahan na sila sa palengke.
Kailangang din aniyang ituon ang serbisyo ng mobile booster team sa mga komunidad na may mababang bilang ng mga taong nabakunahan at mga lugar kung saan malimit ang hawaan.
“If necessary, barangay officials should conduct door-to-door campaigns, draw up a list of booster-eligible individuals, and then bring in mobile jab teams where needed,” dagdag pa niya.
Dapat din paigtingin pa ang in-home booster services para sa mga taong nag-aalaga ng mga matatanda at mga bata lalo na sa Quezon City kung saan may pinakamaraming kaso ng Covid-19 – 1,780 batay sa DOH COVID-19 tracker.
“Quezon City’s cumulative caseload has already reached 182,180 as of Jan. 5, surpassing not only Manila’s 109,514 caseload, but also those of large provinces around the National Capital Region, such as Cavite’s 164,571, Laguna’s 125,342 and Rizal’s 106,382,” pahabol pa ng kongresista. (BERNARD TAGUINOD)
