“IS there no one else in Duterte Youth who can speak?”
Tanong ito ng Kabataan party-list na kinakatawan ni Rep. Raoul Manuel sa Kamara dahil mula noong 2019 ay tanging si dating National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema ang nagsasalita para sa grupo.
Unang nanalo ang Duterte Youth noong 2019 subalit hindi nakaupo si Cardema bilang kinatawan ng kanilang organisasyon dahil 33-anyos na ito noon kaya ang kanyang misis na si Ducielle Suarez Cardema ang kumatawan sa mga ito sa Kamara hanggang 2022.
Sinabi ng grupo ni Manuel na kung talagang kumakatawan sa mga kabataan ang Duterte Youth ay hindi lamang si Ronald ang nagsasalita para sa Duterte Youth.
“Cardema seems to enjoy hogging the spotlight while claiming they genuinely represent the youth and its interests,” ayon sa grupo ni Manuel.
Taliwas aniya ito sa kaso ng Kabataan party-list na mismong ang mga kabataan at student leaders na ang nagsasalita laban sa Duterte Youth.
Samantala, inakusahan naman ni Cardema pinipilit ng makakaliwang grupo na madiskwalipika ang Duterte Youth para makapasok ang Gabriela party-list na ika-55 sa nakaraang mid-term election.
(BERNARD TAGUINOD)
