BOTYANG KARNE NAGKALAT SA NOVALICHES AREA

NAKARATING sa PUNA na ­marami raw ang botyang karne sa mga pamilihan sa Novaliches, Quezon City.

Ito yung mga baboy na namatay na muling kinatay (double dead) para ibenta sa mga konsumer.

Ang mahirap pa nito ay baka ang ikinamatay ng mga baboy na ito ay African Swine Fever (ASF).

Pumasok na ang ber months at sa holiday seasons ay malaki ang demand ng ham. Baka ang botyang karne na ito ay ginawa ng hamon.

Paano na ngayon malalaman kung ang hamon ay galing sa ­botyang karne?

Ang pinagmumulan ng mga botyang karne na ito ay ang slaughter house diumano sa Brgy. Nagkaisang Nayon sa Novaliches.

Dapat gumawa ng aksyon ang National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture (DA) laban sa slaughter house na ito.

Hindi kasi ligtas na kainin ang botyang karne dahil maaaring ang ikinamatay na sakit ng baboy ay makahawa sa tao.

Kung ASF naman ang ikinamatay nito ay maaaring kumalat pa ito sa iba pang mga alagang baboy na malapit sa area.

Kung foot and mouth disease (FMD) naman ay ganun din dahil kakalat sa iba pang alagang hayop ang sakit tulad ng baboy, baka, kalabaw at kambing.

Kaya dapat magsagawa agad ng imbestigasyon ang NMIS tungkol dito.

Hindi na dapat nilang antayin pang lumala ang problema.

Hangga’t maaga pa ay kumilos na sila.

Ang tingin ng PUNA dito ay nanghihinayang ang may-ari ng slaughter house na itapon ang mga botyang karne.

Kaya pilit pa ring ibinebenta.

Kawawa naman ang mga konsumer na makakakain ng ­botyang karne.

Tulad ng ating sinasabi hindi malalaman ng konsumer kung ang ginawang ham ay galing sa ­botyang karne. Kaya para ­pangalagaan ang kaligtasan ng konsumer dapat gumawa ng hakbang ang NMIS dito.

Kung hindi tayo nagkakamali, sa Novaliches area lamang ay may 6 na palengke na.

Papaano kung ang Bagong Silang, Camarin area ng Caloocan City at maging sa Lagro area sa Quezon City ay nakabili rin ng botyang karne?

Ang Novaliches ay halos sentro ng papuntang San Jose del Monte, Bulacan; Bagong Silang, Camarin, Lagro at Bignay sa Valenzuela City.

Kaya kung hindi makokontrol ang bentahan ng botyang karne sa Novaliches ay maaari ngang kumalat ito sa mga nabanggit na lugar.

Hindi lang din dapat ang NMIS ang umaksyon dito kundi maging ang lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon para sa kaligtasan ng mamamayan.

Ang isa sa trabaho ng Department of Agriculture na siyang nakakasakop sa NMIS ay ang bantayan ang mga produktong pang-agrikultura kasama na ang karne ng baboy.

Kaya dapat sana pagpasok pa lang ng ber months ay nagiikot na ang mga tauhan ng NMIS sa mga pamilihan sa buong Metro Manila.

Sa tuwing papasok kasi ang ber months atsaka dumadami ang botyang karne.

Kadalasan bagsakan nito ay ang Tondo, Maynila at Balitawak area.

Ngayon kasama na ang Novaliches area.

Ayan mga taga-NMIS binigyan ko na kayo ng tip kung saan nagmumula ang mga botyang karne, kumilos na kayo.

Kahit na may pandemya ng COVID-19 ay hindi mapipigilan ang pagsapit ng PASKO.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

174

Related posts

Leave a Comment