IKINULONG ng pulisya ang world boxing champion na si Albert Pagara kamakalawa ng gabi sa Cebu City dahil sa pangmomolestiya sa isang babaeng menor de edad.
Ang kasalukuyang WBO Intercontinental Super Bantamweight champion ay nakapiit ngayon sa Pardo Police Station matapos ireklamo ng isang 14-anyos na dalagita sa Sitio Terra Dulce, Barangay Inayawan, sa nasabing lungsod.
Si Pagara, 27-anyos at tubong Maasin, Southern Leyte ay dinampot ng pulisya bandang alas-7 ng gabi nitong Miyerkoles matapos umano’y halayin ang biktimang Grade 8 student sa Pardo National High School.
Base sa salaysay ng biktima, bigla siyang nagising sa pagkakatulog nang maramdamang may naghuhubad sa kanyang damit at humahalik sa kanyang dibdib.
Pumalag ang biktima at sa tulong ng mga barangay tanod ay nadakip ang boksingerong suspek.
Si Pagara na may box record na 33 panalo-isang talo at 23 knockouts ay dati rin IBF International Super Bantamweight at IBF Inter-Continental Super Bantamweight champion. Huli siyang lumaban noong Disyembre at nanalo sa majority decision laban kay Virgil Puton. (ANN ENCARNACION)
210 