NANGANGANIB mawalan ng trabaho ang halos dalawang milyong Pilipino na nasa Business Process Outsourcing (BPO) companies dahil sa panukalang batas sa United States (US).
Dahil dito, kinalampag ni Cebu 5th District Rep. Franco “Duke” Frasco ang Department of Trade and Industry (DTI) sa umano’y kawalan ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga call center agent sa bansa.
Ayon kay Frasco, patuloy na umuusad sa US Congress ang “Keep Call Centers in America Act of 2025,” na naglalayong obligahin ang mga American BPO operator na ibalik sa kanilang bansa ang operasyon ng mga call center.
“While the DTI has expressed readiness to assist the BPO sector, to date, it has not initiated formal talks with U.S. counterparts, convened a unified strategy with IBPAP, PEZA, and BOI, or issued a clear and time-bound action plan to protect our BPO workers,” ani Frasco.
Babala pa ng mambabatas, kapag tuluyang naipasa ang nasabing panukala, mahigit 1.7 milyong Pilipino ang agad na mawawalan ng trabaho dahil inaasahang ililipat ng mga kumpanya sa Amerika ang kanilang operasyon.
Malaki rin umano ang magiging dagok nito sa ekonomiya ng Pilipinas, dahil tinatayang US$35 bilyon kada taon ang mawawala sa kita ng bansa kung aalis ang BPO companies.
Dahil dito, inihain ni Frasco ang House Resolution (HR) 386, na nag-aatas sa DTI, Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Board of Investments (BOI), at Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) na agad makipag-ugnayan sa gobyerno ng Amerika upang maisalba ang mga trabaho ng call center agents.
“The DTI must act with urgency and clarity. The Philippines has long been a trusted and strategic partner of U.S. companies. It is the responsibility of our government to defend that partnership, protect our workers, and safeguard an industry that sustains the livelihood of countless Filipino families,” ani Frasco.
Sa kasalukuyan, hindi lamang sa Metro Manila nakasentro ang operasyon ng mga BPO company, kundi pati sa iba’t ibang mauunlad na lungsod tulad ng Cebu, Davao, Bacolod, at Iloilo.
(BERNARD TAGUINOD)
