BRGY. KAGAWAD PATAY SA SALPUKAN NG 2 MOTOR

BATANGAS – Patay ang isang barangay kagawad habang sugatan naman ang isang menor de edad matapos magbanggaan ang kani-kanilang motorsiklo sa Barangay Calicanto, sa bayan ng San Juan sa lalawigan.

Kinilala ang namatay sa insidente na si Edgar Allan Gumba, isang barangay kagawad, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, bandang alas-10 ng gabi noong Biyernes, nagmamaneho ang kagawad ng kanyang motorsiklo nang salpukin ito sa tagilirang bahagi ng motorsiklong minamaneho ng isang 15-anyos na binatilyo na umano ay nakainom.

Paliko umano ang biktima mula sa national highway nang masapol ito ng paparating na motorsiklo ng tinedyer na galing sa kabilang direksyon.

Parehong matinding napinsala sa katawan ang dalawang driver.

Agad dinala ng mga tauhan ng MDRRMO ang binatilyo sa Divine Care Hospital para lapatan ng lunas, habang si Gumba ay inilipat sa Candelaria Doctors Hospital, ngunit binawian ng buhay kinabukasan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at inaalam ang pananagutan ng menor de edad dahil sa pagmamaneho habang lasing, walang lisensya at wala ring plate number at rehistro ang motorsiklo nito. (NILOU DEL CARMEN)

196

Related posts

Leave a Comment