NAKAPAGTALA ng 110 kumpirmadong COVID-19 cases ang Brgy. Rosario sa Pasig City, ayon sa pinakahuling ulat.
Ayon kay Chairman Ely Dela Cruz ng Brgy. Rosario, sa naitalang 110 kumpirmadong kaso ng COVID-19, 54 nito ang aktibo, at 56 naman ang gumaling na.
Sinabi pa ni Chairman Dela Cruz, nakapagtala pa lamang sila ng tatlong kaso ng pakamatay sa coronavirus sa kanilang lugar.
Aniya, bagama’t tumaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ay hiwa-hiwalay naman ang mga ito at hindi kumpul-kumpol sa iisang pamilya lang.
Dahil dito, malabo pa aniyang isailalim sa localized enhanced community quarantine (LECQ) ang kanilang barangay.
Sa kasalukuyan, ang Pasig City ay may dalawang barangay na isinailalim sa LECQ dahil sa mataas at kumpul-kumpol na kaso ng COVID-19.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng Brgy. Manggahan at Brgy. Dela Paz na pawang may malaking populasyon. (JOEL O. AMONGO)
