BRGY., SK OFF’LS PINATUTULONG SA PAGBABAKUNA

INATASAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila Barangay Bureau, sa pamumuno ni Romeo Bagay, na tiyaking ang lahat ng punong barangay sa lungsod ay pakikilusin ang kanilang barangay council at Sangguniang Kabataan upang tumulong sa lahat ng bedridden, immobile residents, senior citizens at mga may comorbidities na makapagrehistro sa online upang mabakunahan ang mga ito.

Ginawa ito ng alkalde matapos makatanggap ng maraming text messages mula sa netizens na nagtatanong kung paano makapagpapabakuna nang libre ang kanilang mga kaanak na baldado o hindi na makakilos bunga ng iba’t ibang karamdaman.

Bunsod nito, nagpalabas ng memorandum si Bagay sa lahat ng mga chairman, na nagsasabing nakarating na sa city hall na nagpakakaitan ng pagkakataong mabakunahan nang libre ang senior citizens at mga baldadong indibidwal at mga may comorbidities.

Ayon kay Bagay, isa sa mga dahilan ay ang mga indibidwal na nabanggit ay kapos sa kaalamang teknikal o dahil sa kawalan ng gadget na kailangan upang makapagrehistro online.

“In view of this, all chairmen are being advised to mobilize their respective barangay council and Sangguniang Kabataan council to facilitate in the registration of our unfortunate constituents who are willing to avail of the much-needed free vaccine but lack the technical knowledge and or gadgets needed to register,” ayon sa isinasaad ng memo ni Bagay sa lahat ng punong barangay.

Unang bahagi pa lamang ng Abril ay inatasan na ni Moreno si Bagay na magpakalat ng memo na nagsasaad na hanapin ang lahat ng mga bedridden at baldadong residente, nang magsimula ang pamahalaang lungsod ng ‘home service’ vaccines at mismong si Vice Mayor Honey Lacuna ang pinuno ng programa.

“The city aims to embrace all sectors, especially those whose mobility are restricted so they, too, may get added protection against COVID-19,” sabi ni Moreno.

Kasabay sa kanyang direktiba kay Bagay na dalhin sa lahat ng chairman ang utos na gumawa ng listahan ng mga residente na hindi makapupunta sa vaccination sites dahil sila ay baldado o bedridden dahil sa kanilang sakit.

Ayon kay Moreno ang lahat ng interesado ay maaaring magpatulong sa kanilang mga kasama sa bahay, guardians upang makapunta ng barangay at ipalista ang pangalan ng kanilang kasama na bedridden o baldado para sa ‘home service’ vaccination. (RENE CRISOSTOMO)

 

141

Related posts

Leave a Comment