(Ikalawang bahagi)
Kaugnay pa rin ng isyu ng Brigada Eskwela, nais kong ibahagi ang isang nakaka-inspire na kuwento ng isang gurong malapit sa akin.
Ito ay kuwento ng isang pamangkin na kahit Psychology major siya ay mas pinili niyang maging guro sa Grade 6 sa isang public school sa probinsya.
Narinig ko kasi na siya’y nagso-solicit sa pinsang kababata niya na ngayon ay isa nang abogada. Para raw sa iba’t ibang materyales upang mas maging buhay at interaktibo ang kanyang pagtuturo. Bahagi pa rin daw ito ng taunang Brigada Eskwela nila.
Habang nag-uusap sila, ay dumami nang dumami ang mga nailistang gamit na pwedeng bilhin para sa ikatutuwa at inaasahang pagpapataas ng mga motibasyon ng mga mag-aaral.
Ikinuwento rin niya kung paanong personal siyang bumili at maglagay ng HDMI TV sa kanyang silid-aralan para makapagpalabas ng mga makabuluhang pelikula at video kada Biyernes bilang supplement sa mga itinuturo sa klase.
Mula noon, ay laging pinipilahan ng mga nakapaang mag-aaral ang kanyang classroom, kahit ‘yung mga galing sa ibang baitang at seksyon. Siya lang ang merong ganun sa paaralan. At naging buzzword ang klase ni “Ma’am Chat” sa maraming mag-aaral.
Galak na galak siya at kita ang satisfaction sa mukha niya habang ibinabahagi ang outcome ng kanyang inobasyon sa klase.
Para sa taong ito, naisip nila ng pinsang hinihingan niya ng donasyon na gumawa ng magandang reading corner sa classroom niya at pupunuin ito ng iba’t ibang babasahin na ipinangako ng donor na bibilhin pa sa Maynila.
Sumawsaw ako sa kanilang usapan at napakomento na ako’y natutuwa na makita siya na parang aliw na aliw sa ginagawa niya. At napakapalad ang mga mag-aaral na meron silang gurong kung kinakailangang dumukot mula sa sariling bulsa ay gagawin matiyak lang na mas matututo ang mga mag-aaral niya.
Napakomento rin ako at nagmungkahi na baka pwede niyang gawan ng video-documentation ang mga inisyatiba niya sa klase at ibahagi sa social media para makaengganyo hindi lang sa iba pang guro kundi sa iba pang nais tumulong para mapaunlad pa ang pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
Simple lang naman pero nakaka-inspire ang kuwento. Sa halip na magreklamo tungkol sa kakulangan ng pondo galing sa gobyerno, isang simpleng guro ang di inalintanang magpaluwal ng sariling pera para matugunan ang mga pagkukulang. Alam kong marami pa silang kagaya ni Ma’am Chat.
Bakit ko nga ba ikinukuwento ito? Hindi lang simpleng pagbibigay-inspirasyon. Kundi, para mag-isip din tayo na bagama’t kapuri-puri ang aksyon ng mga maraming Ma’am Chat sa public school, ugatin natin kung bakit kinailangan nilang mag-solicit, gumastos galing sa sarili nilang bulsa, para lang mapaayos ang pagkatuto ng mga bata. Lalo pa’t mga guro rin ang mga may pinakamababang sahod sa lahat ng mga manggagawa sa pamahalaan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
241